SA hangaring tiyakin ang patas na imbestigasyon hinggil sa pamamaslang sa isang prominenteng negosyante sa Davao City, sinibak na sa pwesto ang army general na una nang idinawit ng pulisya “person of interest.”
Sa direktiba ni Philippine Army chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., laglag bilang Commander ng 1001st Infantry Brigade si Brig. Gen. Jesus Durante matapos lumutang ang kanyang pangalan sa talaan ng mga “persons of interest” sa pagpatay kay Yvonette Chua Plaza noong Disyembre 29 ng nakaraang taon.
Bukod sa pagiging negosyante, kilala rin ang biktima sa larangan ng pagmomodelo.
Sa ulat ng pulisya, niratrat ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin ang 38-anyos na negosyante sa labas ng tahanan sa Barangay Tugbok ng nasabing lungsod.
“The Philippine Army will not condone any criminal act committed by its personnel. As such, Brig. Gen. Jesus Durante III has been relieved as Commander of the 1001st Brigade, after being named as a person of interest in the murder of Yvonnette Chua Plaza,” pahayag ni Brawner.
Sa pagsibak kay Durante, umaasa naman ang Army chief na nakakasiguro na ang pamilya ng biktima na magkakaroon ng isang patas at malalim na imbestigasyon sa kaso.
“The Army ensures the public that this incident is not service related,” dagdag pa ng pinuno ng Hukbong Katihan.
Una nang itinanggi ni Durante na may kinalaman siya sa naganap pagpatay kay businesswoman at model Yvonne Chua Plaza sa Davao City.
“I, myself, am asking for justice for Yvonne,” pahayag pa ng sinibak na heneral. (JESSE KABEL RUIZ)
