‘COP KILLER’ TIMBOG SA BATANGAS

BATANGAS – Makaraan ang 30 taong pagtatago, natimbog ng mga awtoridad ang tinaguriang most wanted person national level, na pinaghahanap ng batas dahil sa kasong pagpatay sa isang pulis sa lalawigang ito.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office, naaresto ng mga tauhan ng Tanauan City Police Station, Anini-y Municipal Police Station ng Antique Police Provincial Office, at Jordan Municipal Police Station ng Guimaras Police Provincial Office, ang suspek na si Cesar Andal, 61, tubong Tanauan City, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. East Valencia, Buenavista, Guimaras.

Natimbog ito sa kanyang pinagtaguan at pinanirahang lugar noong Lunes ng umaga, sa bisa ng warrant of arrest na inihain ng mga awtoridad.

Si Andal ang pangunahing suspek sa pagpatay sa pulis na si SPO2 Herminigildo Mercado na pinagbabaril sa Brgy. Balele, Tanauan City noong Marso 19, 1993.

Simula noon ay nagtago na ito samantalang naglaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG ng pabuyang  P60,000 para sa ikadarakip nito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tanauan City Police Station ang naarestong most wanted person.

Ayon kay Batangas Police Director, P/Col. Pedro  Soliba, “Pinupuri natin ang kapulisan sa pagkakaaresto sa suspek. Tandaan natin na ang sinomang nagkasala ay mananagot sa batas. Patuloy naming hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa awtoridad kung may impormasyon kayo hinggil sa ikalulutas ng mga kaso at ikaaaresto ng mga taong sangkot sa krimen”. (NILOU DEL CARMEN)

342

Related posts

Leave a Comment