(BERNARD TAGUINOD)
INATASAN ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na ilunsad na ang ‘all out war” laban sa hoarders ng mga produktong agrikultura tulad ng sibuyas.
Ginawa ni Romualdez ang kautusan matapos pulungin ang mga opisyal ng dalawang ahensya.
“We cannot allow it anymore. It’s too much. Kawawa ang tao,” ani Romualdez sa mga opisyal ng DA at DTI kaya hiningi nito ang tulong ng dalawang ahensya para sa pagkakakilanlan ng mga nagtatago ng mga produktong agrikultura upang magkaroon ng artificial shortage at ibenta ito sa mas mataas na presyo.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kaso ng sibuyas na biglang nawala umano sa merkado ang supply noong Setyembre 2022 kahit katatapos lang ng anihan na naging dahilan para umabot sa P720 kada kilo ang presyo.
“If you know who these people are, let us know. We will invite all of them, if not, have the authorities arrest them,” dagdag pa ni Romualdez.
Ipinaliwanag ng mambabatas na kinikilala ng Kongreso ang karapatan ng mga negosyante sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon subalit hindi papayagan ang pagsasamantala ng mga ito dahil ang mga karaniwang consumer ang kanilang biktima.
Dahil dito, kailangang simulan na aniya ang all out war upang matuldukan ang gawain ng mga tiwaling negosyante habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang House committee on agriculture and food hinggil sa smuggling activities, hoarding, profiteering at cartel.
“As I said Chairman (Mark) Enverga will be very much dedicated and focusing, you know, in getting to the bottom of this. You know, my message is: moderate your greed, release the supply of these basic commodities –these vegetables, whether they be onion, garlic. Moderate the supply, moderate your greed, give us fair prices—if not your days are numbered, we’re going after all of you,” ani Romualdez.
Kasabay nito, inatasan din ni Romualdez ang DA at DTI na bilhin nang direkta sa mga magsasaka ang kanilang ani tulad ng sibuyas gamit ang P276 million na budget ng Kadiwa Food Mobilization Fund ngayong 2023.
Sinabi naman ni DA Assistant Secretary for Consumer Affairs Kristine Y. Evangelista na plano nilang bilhin ang sibuyas ng mga magsasaka sa mas mataas na presyo at ibenta ito sa mga Kadiwa store.
“Our target is supposed to be farmgate price, pero dapat kumita si farmer. If our cost to produce is at P20 and then through Kadiwa its going to be bought at P50 (per kilo), tapos mabenta natin at farmgate,” ani Evangelista.
131