RETRIEVAL MISSION SA CESSNA CRASH SITE TINAPOS NA

Huwebes ni Incident Management Team commander at Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo Jr. ang lahat ng  operasyon kaugnay sa bumagsak na Cessna plane malapit sa crater ng Mayon Volcano.

Ito ay matapos na matagumpay na matagpuan, makuha at maibaba ng mga responder na binubuo ng iba’t ibang grupo ng mountaineers, local guides, at ng mga tauhan ng Naval Special Operations Group (NAVSOG), Philippine Army, Bureau of Fire Protection – Special Rescue Force (BFP-SRF), at Philippine National Police (PNP) ang mga labi ng apat na sakay ng eroplano.

Ang search and rescue operation para sa Cessna 340A ay tumagal nang mahigit sa 5 araw hanggang sa baguhin ang mga operasyon mula sa search and rescue patungo sa retrieval operation, kasunod ng kumpirmasyon ng aktwal na lokasyon, pagkakakilanlan, at sitwasyon ng 4 na pasahero.

Itinurn-over na sa Scene of the Crime Operation (SOCO) ang bangkay nina Pilot Rufino James Crisostomo Jr., Flight Mechanic Joel G. Martin, at ang dalawang pasaherong Australian na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam para sa karagdagang imbestigasyon.

Si Mayor Baldo ay nagpapahayag din ng pasasalamat sa mga aniya ay magigiting na rescuers na tumugon at humarap sa panganib sa kanilang buhay at lumaban sa mga hamon na kinaharap sa operasyon sa kauna-unahang aviation tragedy sa bayan ng Camalig.

Ayon pa kay Mayor Baldo, sa gitna ng matatarik na dalisdis ng Mayon, pagbagsak ng mga bato, pagiging mausok, malakas na hangin, at madulas na mga lupa, at ang panganib ng posibleng phreatic eruption, ang mga responder ay patuloy na sumulong upang maisakatuparan ang isa sa pinakamahirap na high-angle search and retrieval mission na naranasan ng pamahalaang lalawigan  ng Albay.

At ito ay dahil sa sakripisyo ng magigiting na mountaineers mula sa Albay Climbing Community (ACC), Mayon Mountaineers, Federation of Bicol Mountaineers Inc., Mountaineering Federation of the Philippines, Inc., at Wilderness Search and Rescue (WISAR), local guides, Naval Special Operations Group (NAVSOG), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Army, Energy Development Corporation (EDC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Air Force (PAF), Philippine Navy, at iba pang mga volunteer.

Nagtagumpay aniya ang misyon sa pamamagitan ng sama-sama at mahusay na coordination sa pagitan ng mga kasapi ng incident team na binubuo ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO), EDC, Tactical Operations Group (TOG) 5, SOCO, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Albay Provincial Safety, Emergency, and Management Office (APSEMO) na naging aktibo sa buong 13 araw na operasyon. (NILOU DEL CARMEN)

410

Related posts

Leave a Comment