PANSAMANTALANG time-out sa crime scene ang may isang daan miyembro ng Cavite Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nakibahagi sa Bloodletting Event sa Cinema area ng Robinsons Place, Imus City, Cavite.
Kabilang ang hanay ng Cavite Police, Cavite Provincial Forensic Unit, Non Government Unit at Volunteers sa nakiisa sa Bloodletting Event na inorganisa ng Cavite PFU katuwang ang Gamma Epsilon 1963 International Fraternity and Sorority Cavite Alumni Association, Ospital ng Imus at Las Pinas District Hospital.
Pumalo sa halos 90% ng donors ang lumusot sa screening at interview, habang ang 10 porsyento ay hindi pumasa dahil puyat, pagod, may maintenance o kaya underweight.
Ayon kay Cavite PFU Chief PLtCol Oliver Dechitan, higit na makikinabang ngayon sa makokolektang dugo ang lokal at mas madaling ma-access ng mga nangangailangan dahil nakipag-tie up sila sa Ospital ng Imus at Las Pinas District Hospital.
Target ng grupo, na ginagawa ang naturang event kada dalawang taon, na makakolekta ng 100% para mabiyayaan ang higit na nangangailangan. (SIGFRED ADSUARA)
1034