SOLON: PANALO NI BBM BUNGA NG DISINFORMATION

PRODUKTO ng disinformation campaign hinggil sa umano’y “golden age” noong panahon ng Martial law ang naging daan kaya nanalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong nakaraang presidential election.

Sagot ito ni Albay Rep. Edcel Lagman sa pahayag ni Marcos Jr., sa isang interview sa United States (US) kamakalawa, na hindi na bumenta ang mga isyu noong panahon ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. dahil ang iniisip ng mga tao ay kinabukasan at hindi ang nakaraan.

“His victory was principally the result of years of massive disinformation intoning the “Golden Age” of the martial law regime,” ani Lagman, pangulo ng Liberal Party (LP).

Bagaman hindi sinisisi ni Lagman si Marcos Jr., na maliitin ang kalupitan at pandarambong noong panahon ng kanyang ama subalit hindi nagustuhan ng mga mambabatas ang paniniwala nito na ang kanyang presidential victory ang bumura sa mga alegasyon sa kanyang pamilya.

” While we look at the present and the future for economic recovery and moral regeneration, let us not forget the past repressions and plunder lest they are repeated with aggravation and impunity with the people’s blind tolerance,” ayon pa kay Lagman.

Sinusugan naman ito ni House deputy minority leader France Castro na nangangambang mauulit ang nangyari noong pang-aabuso at malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan sa paniniwala ng Pangulo na wala silang nagawang masama noong panahon ng kanyang ama.

Ayon kay Castro, hindi dapat ipagmalaki ni Marcos ang kanyang panalo dahil maraming alegasyon na nagkaroon ng malawakang dayaan noong nakaraang presidential election.

Sinabi pa ng lady solon na hindi kayang burahin ni Marcos Jr., ang kasaysayan dahil maraming ebidensya na umabuso ang kanyang ama at pamilya at inilugmok ng dating Pangulo ang bansa sa kahirapan.

“Bago pa man magdeklara ng Martial Law ang diktador na si Marcos ay lugmok na sa kahirapan at pang-aapi ang karamihan sa mga Pilipino. Bago din umupo si Marcos Sr. noon ay di pa lubog sa utang ang Pilipinas na sa ngayon ay maging ang ating mga apo na ‘di pa pinapanganak ay may utang na,” ani Castro.

Idinagdag pa nito na, “Dati ay matindi na din ang mga paglabag sa karapatang pantao, tumindi noong Martial Law at nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Ito ang mga problema ng bansa noon at hanggang sa ngayon”. (BERNARD TAGUINOD)

191

Related posts

Leave a Comment