TEVES ITUTUMBA SA AIRPORT?

(RUDY SIM)

NANINIWALA pa rin si Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na plano siyang patayin sakaling bumalik siya sa bansa.

Duda ng mambabatas, paglapag pa lamang ng kanyang sinasakyan sa paliparan ay posibleng may magtumba sa kanya kaya’t nauudlot ang nais niyang pag-uwi.

Nangangamba umano siya na matulad kay dating senador Benigno “Ninoy” Aquino na pinaslang sa airport noong August 21, 1983.

Sa Facebook video post ni Teves, sinabi nito na matapos ang sablay na pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus “Boying” Remulla noong May 16 na uuwi siya sa bansa ay nagpalabas umano ng memorandum order na siya ay harangin at arestuhin ng Immigration personnels pagdating sa airport.

Ayon kay Teves, ang kautusan ay inilabas ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco bago pa man siya sinampahan ng patong -patong na kaso ng NBI sa DOJ.

“Ito ay halatang political persecution at pang-aabuso ng aking karapatang pantao,” himutok ng mambabatas.

Ang BI ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng DOJ.

Giit ni Teves, kahit kinasuhan na siya ay nananatili siyang inosente hangga’t hindi napatutunayang guilty siya sa mga akusasyong ibinabato sa kanya. Kinuwestyon din ni Teves ang paglalabas ng order na siya ay arestuhin na isa umanong pang-aabuso sa kapangyarihan.

Tiniyak naman ng pamahalaan ang kaligtasan ni Teves matapos ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umuwi na sa bansa at  harapin ng kongresista ang mga akusasyon laban sa kanya.

Matatandaang itinanggi ni Teves ang paratang na siya ang nasa likod ng Pamplona massacre kung saan napatay si Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 4 sa kanyang tahanan.
Pinatawan ng 60-araw na suspensyon ng Kamara si Teves sa pamamagitan ng inaprubahang Committee Report 472.

145

Related posts

Leave a Comment