SA kabila ng mahigpit na babala ni PNP Chief, Benjamin Acorda Jr. na kanyang tatanggalin ang mga regional, district, provincial at city director, maging ang mga chief of police na hindi susunod sa kanyang utos na linisin at ipatigil ang lahat ng ilegal na sugal tulad ng jueteng, bookies, lotteng at iba pa sa kanilang areas of jurisdiction ay may mga patuloy ang operasyon gaya sa mga lungsod ng Taguig at Pateros.
Sa reklamo sa SAKSI Ngayon, sa kabila ng paulit-ulit na babala ay may mga ground commander pa rin ang hindi tumutugon sa ipinatutupad na “One-Strike” Policy tulad ng nangyayari sa Southern Police District (SPD).
Sa AoR o areas of responsibility ni SPD Director PBGen. Kirby Jonh B. Kraft, partikular ang siyudad ng Taguig at Pateros ay namamayagpag ang operasyon ng STL bookies at bookies ng karera ng mga nagngangalang Rodel Delos Santos at Reggie Jocobo.
Nagtataka naman ang mga nagrereklamo dahil tila umano walang kaalam-alam sa nasabing ilegal na operasyon ang masipag na hepe ng SPD.
Kahit naglipana ang mga kubrador ng bookies para umikot sa matataong lugar para mangalap ng taya, gaya ng iskwater erya at palengke sa siyudad ng Taguig at Pateros ay tila hindi nakikita ang mga ito ng mga tauhan ni Kraft.
“Kung bulag si SPD Director Kraft, mas bulag siguro sina Taguig City Chief of Police PCOL. ROBERT R. BAESA at Pateros Chief of Police PCOL. WILSON M. ALICUMAN dahil parehong walang nakikita at hindi alam ang nangyayari sa kanilang kapaligiran partikular ang talamak na sugal na bookies na alam naman ng lahat ng residente ng dalawang siyudad,” sumbong ng nagrereklamo.
Nananawagan ang mga residente ng dalawang lungsod kay NCRPO Chief, Police Major General Edgar Alan Okubo na aksyunan ang salot at perwisyong pa-bookies nina alyas Regie at Rodel sa lungsod nina Mayor Lani Cayetano at Mayor Miguel Ponce.
“Kahit may ipinatutupad na “One-Strike” Policy si PNP Chief General Benjamin Acorda Jr., kung hindi naman sinusunod nina Col. Alicuman, Col. Baesa at Gen. Kraft ay useless lang at malamang na lilitaw na weak leader si Acorda,” pahayag pa ng nagrereklamo na tumangging magpabanggit ng pangalan para sa kanyang proteksyon. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
417