BITAY VS BOC EMPLOYEE NA MASASANGKOT SA SMUGGLING

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O.AMONGO

GALIT na galit si Senador Robin Padilla sa dalawang Customs officials na dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa nagaganap na smuggling ng agri-products sa bansa.

Nag-ugat ang galit ni Sen. Padilla kina Atty. Willam Balayo, bagong talagang director ng Legal Service ng Bureau of Customs, at Atty. Jet Maronilla, dating Spokesperson ng BOC noong panahon ni dating Commissioner Rey Leo­nardo Guerrero dahil hindi umano nakikinig ang dalawang opisyal.

Kaya sa galit ni Padilla sa dalawa ay maghahain daw siya ng panukalang batas na magiging bitay ang parusa sa mga taga-customs na masasangkot sa smuggling.

Narito ang sinabi ni Sen. Padilla, “May mga panukalang batas kami na gusto nating higpitan, gusto natin may makulong, alam n’yo, ako ho ay nag-file ng bill, una para sa mga ex-military na pumasok sa gun for hire at nagplano sa pagpatay sa tao, ay gusto ko na pong ibalik ang parusang kamatayan.

“Kami rin po ay nag-file uli ng bill para naman sa mga pulis o PNP na papasok sa droga, na mabalik uli ang parusang kamatayan,” ani Padilla.

“Pwede makinig ang dalawang ito, para po sa inyo ito, excuse me! Busy ba kayo? Baka busy kayo? Para inyo itong sinasabi ko, eh, pwede ba kayo makinig? ‘Di ba sa Bureau of Customs kayo? ‘Di ba kayo nahihiya?! Smuggling pinag-uusapan natin, makinig kayo! Magsasaka ang mga nahihirapan dito. Kabuhayan ng mahihirap na tao, agricultural country tayo, pero nag-i-import tayo, ‘di ba nakakahiya ‘yun? Law enforcement kayo, pinamumugaran tayo ng smuggling!” sabi pa ni Padilla kina Balayo at Maronilla ng Customs.

“Sa tingin n’yo ba, masaya ako na life imprisonment lang kayo? Magbibigay ako ng panukalang batas na kayo riyan sa BOC na kapag napatunayan na involved kayo sa smuggling, dapat kamatayan din kayo!” bulalas pa ni Padila sa dalawang opisyal ng Customs na dumalo sa pagdinig.

“Napakasakit isipin na ang mga suspek natin, ang mga suspek ay nasa law enforcement, mga kababayan itong pinag-uusapan natin, kabuhayan ng tao, kabuhayan ng mga magsasaka, bigas, asukal, sibuyas, tobacco, hindi po ako naninigarilyo, noon, araw-araw ako manigarilyo, pero sigarilyo, nagbabayad naman ng tax ang mga ito, pero pinapasok pa rin ang smuggling,” banggit pa ni Sen. Padilla sa pagdinig sa Senado.

Nagtataka si Sen. Padila kung bakit tinaguriang agricultural country ang Pilipinas pero bakit malakas tayo mag-import ng agri-products mula sa ibang bansa.

Napikon din si Padilla sa dalawang opisyal dahil tila hindi ang mga ito nakikinig sa kanilang pinag-uusapan sa Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar, sa pagdinig sa Senado kina Balayo at Maronilla.

Pakiramdam ni Padilla, hindi seryoso sina Balayo at Maronilla sa kanilang pinag-uusapan sa Senado kaya balewala sa kanila ito, na napansin naman ng mambabatas.

Sa puntong ito, napagbuntunan na rin ng mga senador na sina Risa Hontiveros, JV Ejercito at maging ang chairperson ng Committee on Agriculture na si Senador Cynthia Villar, sina Atty. Balayo at Atty. Maronilla at nasabon kung bakit hindi matigil ang agri-products smuggling.

Sa pagkakataong ito ay natanong sina Atty. Balayo at Atty. Maronilla kung ilan na sa mga nasasangkot sa agri-smuggling ang kanilang nakakasuhan at naipakulong.

Base kasi sa pagkakaalam ng mga senador ay walang smuggler na naipakukulong ang Bureau of Customs.

Gusto nila na may masampulan sa mga smuggler na mapakulong ng Bureau of Customs para hindi na pamarisan ng iba.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell #0977-751-1849.

137

Related posts

Leave a Comment