Buking na may ‘midnight insertions’ MAHARLIKA POPONDOHAN SA GAA

NAGKAROON ng midnight insertions sa Maharlika Investment Fund law at kasama sa isiningit sa final draft ng probisyon ay kukuha ito ng pondo sa General Appropriations Act (GAA).

Ito ang isiniwalat ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares matapos rebyuhin ang niratipikahang panukala na tanging lagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kulang.

“While the Maharlika authors previously assured the public that funds will not be coming from the national budget but from BSP, Land Bank, DBP, PAGCOR and other GOCCs, they suddenly inserted in the final bill a provision that mandates congressional appropriations,” ani Colmenares.

Naisingit umano ang probisyong ito Sec. 7 na nagsasabing “payment for subscription by the national government of the increase in authorized capital stock xxx shall be appropriated by Congress”.

Sinabi ng mambabatas na wala ang probisyong ito sa orihinal na panukala ng Senado kaya naniniwala ang kongresista na bahagi ito ng midnight insertions bago niratipikahan ng dalawang kapulungan.

“Lalong lumaki ang exposure ng public funds sa Maharlika. Pwede palang pag nalulugi ang initial investments nya, hihingi sya ng budget sa Kongreso para dagdagan ang kapital nya,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Dahil dito, magkakaroon aniya ng kaagaw sa budget allocation ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya ng gobyerno.

Bukod dito, inalis din sa orihinal na panukala ang probisyon na 5% lamang ang puwedeng i-invest ng pribadong sektor sa MIF upang masiguro na hindi ito makokontrol ng mga negosyante.

“With this deletion, a single or a few private corporations become very influential in Maharlika as they can now control at least 25% of Maharlika stocks” ayon pa kay Colmenares.

“Magiging crony capitalism na naman ito kung sakali,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

501

Related posts

Leave a Comment