NAGHAIN ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara para imbestigahan ang Grab Philippines dahil sa pagiging pasaway umano at tila pagsasamantala dahil sila ang pinakamalaking transport network vehicle services (TNVS) sa bansa.
Sa House Resolution (HR) 860 na inakda ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, inatasan nito ang mga kaukulang komite sa Kamara para ipatawag at imbestigahan ang Grab.
Ayon sa mambabatas, 2019 pa nang atasan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang Grab na irefund ang P25.45 milyon sa kanilang customers subalit 73.80% pa lamang sa nasabing halaga ang naibalik ng kumpanya.
Dahil dito, muling pinatawan ng PCC ng P9 milyong multa ang Grab Philippines na hindi na ipinagtaka ni Brosas dahil sa kasaysayan aniya ng nasabing kumpanya ay hindi ito sumusunod sa batas.
“It is unacceptable that the full amount has not been refunded yet. Imposible namang walang kinikita ang Grab sa laki ng singil nila sa mga mananakay,” ayon sa mambabatas.
Dahil dito, kailangan aniyang magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara para makabuo ng batas para maprotektahan ang mga kliyente ng mga ganitong uri ng transport system.
Kailangan din aniyang rebyuhin ang Philippine Competition Act para maiwasan ang pang-aabuso ng malalaking kumpanya lalo na kung kontrolado ng mga ito ang local market. (BERNARD TAGUINOD)
132