NAKAANTABAY ang support force ng Philippine National Police (PNP) sakaling kailanganin kapag lumala ang sitwasyon sa Albay kaugnay na rin ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, agad idedeploy ang Reactionary Standby Support Force sakaling magkaroon ng emergency.
Sa ngayon ani Fajardo, nakakalat na ang 800 police personnel ng PNP sa Albay.
Nakapwesto aniya ang mga ito sa mga itinalagang public school buildings, evacuation centers, at mga estratehikong lugar sa Albay.
Pinalawig na ng Albay government sa 7km ang danger zone sa Mayon dahil sa nagpapatuloy na abnormalidad nito.
Patuloy na nakataas sa alert level 3 ang Mayon bunsod ng patuloy na pag-aalburoto nito na aabot na sa dalawang linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa nakalipas na 24 oras, isang volcanic earthquake ang naitala sa paligid ng bulkan gayundin ang pag-agos ng lava sa bunganga nito.
Ipinagbabawal ang pagpapalipad ng anomang uri ng aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa banta ng pagputok nito.
(JESSE KABEL RUIZ/PAOLO SANTOS)
279
