Smuggling, hoarding inamin BBM NAGTURO SA PAGSIRIT NG PRESYO NG SIBUYAS

(CHRISTIAN DALE)

AMINADO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagkaroon ng hoarding at smuggling ng agricultural products partikular ang sibuyas sa unang bahagi pa lang ng kanyang administrasyon.
Isinisisi nito sa hoarding o pag-iimbak ng mga negosyante ang pagsirit ng presyo ng sibuyas.

Sa isang panayam sa sidelines ng 125th anniversary ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Pangulong Marcos na itinago at hindi ipinagamit ng mga sindikato ang cold storage sa ibang producers.

“I think maliwanag na maliwanag na sa ating lahat na ‘yung pagtaas ng presyo by 87% noong nakaraang… Enero, Pebrero, walang dahilan ‘yun. Kumpleto ang onion natin dito. Nagho-hoard lang talaga at iniipit ang presyo,” sinabi ng Pangulo.

“Tapos ‘yung cold storage ay hindi pinapagamit sa iba para ‘yung kontrolado lang… ‘Yung mga sindikato, ‘yung kontrolado lang nila na onion, ‘yun lang ang pwedeng aabot sa palengke,” dagdag na pahayag nito.

Matatandaang pumalo sa P420 hanggang P600 kada kilo ang presyo ng local red at white onions sa mga pamilihan sa Kalakhang Maynila, noong unang bahagi ng taon.

Dahil dito, nagsagawa pa ng Senate inquiry para imbestigahan ang mataas na presyo ng sibuyas sa bansa.

Bilang Kalihim ng DA, sinabi ng Pangulo na patuloy na tutugunan ng administrasyon ang hoarding at smuggling ng agricultural products sa bansa.

“Lahat pinapatibay din natin and we are making sure that first of all, simple lang, ‘yung mga simpleng problema na hinarap natin,” ayon sa Pangulo.

“‘Yung mga rice smuggling, sugar smuggling, onion smuggling, gagawin namin lahat para matigil ‘yan,” dagdag na pahayag nito.

Bilang pagtugon, ikinasa ng pamahalaan ang konsepto ng ‘vertical integration’ para tugunan ang multi-faceted issues na tumutugis sa agriculture sector sa bansa.

“There’s a very simple concept (na) tinatawag (na) vertical integration. Imbes na isang kumpanya may ginagawa, isa naging trader, isa naging marketing, isa retail. Pagkakaiba-iba ‘yan, maraming cost ‘yan paglipat. ‘Pag vertically integrated ‘yan, ‘pag kasama lahat ‘yan, wala ng cost ‘yun, tuloy-tuloy na lang hanggang sa retail,” ani Marcos Jr.

Ayon sa Pangulo, sa pamamagitan ng implementasyon ng vertical integration, ang mga usapin gaya ng hoarding at smuggling ng agricultural products ay matutugunan.

Samantala, sinabi ng Pangulo na mapapanatili lamang ang operasyon ng Kadiwa outlets sa bansa kung mapabubuti ang produksyon at suplay.

“The problem of the Kadiwa program now is production, supply. Kulang ang production natin… Kung may imported, hindi naman natin maibigay sa presyo na gusto natin. That’s the problem,” ayon sa Pangulo.

“Kaya kailangan ang bubuhay sa Kadiwa ay ang increased production of all agricultural commodities,” dagdag na pahayag nito.

Ang Kadiwa ng Pangulo ay isang market linkage facilitation program ng DA na layong makapaghatid ng mga abot-kayang presyo ng mga produkto gaya ng isda, karne, prutas, gulay, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mahihirap na Pilipino.

383

Related posts

Leave a Comment