OFW NA MAY MALALANG SAKIT, TINANGGIHAN NG AIRLINE

RAPIDO NI TULFO

LUMAPIT sa Rapido Ni Patrick Tulfo ang mga kaanak ng isang OFW na nasa bansang Dubai, UAE.

Ayon sa kanila, nasa airport na umano ang kanilang pinsan na kasalukuyang mayroong stage 4 Leukemia. Hindi umano pinasakay ng Philippine Airline ang nasabing OFW dahil sa kalagayan nito kahit na may mga dala itong dokumentong nagsasabi na siya ay maaaring magbiyahe.

Tinawagan ng inyong lingkod ang PAL kung saan nakapanayan natin si PAL Spokesperson Cielo Villaluna upang makipagtulungan para mapauwi ang pobreng OFW.

Ayon kay Villaluna, nasa polisiya ng PAL o ng kahit anong airline company, na maaari nilang tanggihang pasakayin ang sinomang pasahero na sa tingin nila ay hindi kaya o hindi maaaring bumiyahe lalo na kung ito ay may ay medical condition.

Mabilis namang nakipag-ugnayan si Villaluna sa kanilang opisina sa Dubai kung saan napag-alaman na walang medical clearance ang nasabing pasyente na nagpapahintulot sa kanya na maaari na siyang bumiyahe o makakayanan n’yang bumiyahe.

Tanging medical result lamang ang dala ng nasabing OFW na hindi naman tinatanggap ng anomang airline company. Sinabihan pa umano ang OFW ng kanyang doktor na magpalakas muna bago bumiyahe.

Sa pagkakataong ito, nakita naming walang mali sa ginawa ng PAL na pagtanggi sa OFW dahil sila ang mananagot sakaling may mangyaring masama sa kanilang pasahero. Higit sa lahat ay nais nila na maging maayos muna ang kondisyon ng OFW upang matiyak na makakauwi siya nang buhay at malakas sa kanyang pamilya.

Nakikipag-ugnayan ang aming opisina sa OWWA upang mabigyan ng anomang tulong na maibibigay sa naturang OFW upang makasama na ang kanyang pamilyang hindi niya nakapiling ng 6 na taon.

Tututukan namin ang kasong ito upang mapauwi na ang kawawang OFW.

185

Related posts

Leave a Comment