IKINATUWA ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura ang pag-alis ng Youtube sa channel ni Apollo Quiboloy dahil sa pagiging wanted sa Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay ng sex trafficking.
“Good riddance,” ani Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) spokesman Milton Lozande subalit nais ng mga ito na maging ang Sonshine Media Network International (SMNI) na pag-aari rin ni Quiboloy ay maisara.
Sinabi ng grupo na nagiging disinformation channel na ang SMNI News ni Quiboloy dahil lahat ng mga kritiko ng gobyerno ay kanilang nireredtag na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga ito.
“Ang mag-unyon, nireredtag. Ang dumaing sa mababang sahod, nireredtag. Ang magsulong ng tunay na repormang agraryo, nireredtag din. Hindi ba nilalabag ng SMNI News ang mga karapatan nating mag-organisa at magpahayag?” ani Lozande.
Isa anila itong paglabag sa karapatan ng mga tao kaya dapat na rin isunod na tanggalan ng prangkisa ang SMNI.
Noong panahon aniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, karamihan sa 349 manggagawa na biktima ng extrajudicial killings ay nired-tag habang 97 obrero sa ilalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Dahil dito, kailangang tanggalan na aniya ng prangkisa ang SMNI ni Quiboloy dahil marami na itong nilalabag na batas kasabay ng apela sa Youtube na lahat ng channel ni Quiboloy ay tanggalin.
“Hindi lang sa iisang channel nagkakalat ng disimpormasyon at karahasan ang kriminal na ito. Sana’y suyurin ng Youtube ang buong bakuran nito para bunutin ang buong makinarya ni Quiboloy.
Kasangkapan ito ng mga pasista, lalo na ng NTF-ELCAC, sa panggigipit ng taumbayan,” ayon pa kay Lozande. (BERNARD TAGUINOD)
