“LOVE THE PHILIPPINES” SLOGAN, KONTRA CORRUPT DAPAT

DPA ni Bernard Taguinod

KAILAN kaya magkaroon ng tuloy-tuloy na programa sa ating Inang Bayan kahit bago ang presidente at namumuno sa isang ahensya tulad ng Department of Tourism (DOT) na ngayon ay nasasangkot sa kontrobersiya, upang maiwasan ang panibagong gastos sa isang pautot na palpak naman?

Napapansin ng lahat na sa tuwing may bagong pangulo at secretary ng DOT ay binabago ang slogan ng ahensya para i-promote ang mga tourist spot sa Pilipinas at makahikayat ng mga dayuhang turista na pasyalan ang ating bansa.

Tuwing binabago ang slogan ay ginagastusan ‘yan tulad nitong “Love the Philippines” na pinondohan ng mahigit P49 million pero nabuko na gumamit lang ang kontraktor ng stock video footage na kinopya pa sa ibang bansa at hindi mismo sa Pilipinas.

Sa ibang bansa, hindi binabago ang kanilang slogan tulad ng Hong Kong na nakatatak sa kanila ang salitang “discover” kaya tuwing nababanggit ang salitang ito ay Hong Kong agad ang naiisip ng mga turista.

Sa ating bansa, wala tayong sariling tatak dahil tuwing may bagong DOT Secretary ay binabago ang slogan na hindi mo alam kung gusto lang gastusin ang pera ng bayan o ayaw lang ituloy ang programa ng mga pinalitan nilang mga opisyal dahil hindi kanya ‘yun.

Pinakatumatak sa mga dayuhang turista ang “Wow Philippines” at nasasanay na ang mga dayuhan sa ipinalit na “It’s More Fun in the Philippines” dahil 11 taon na itong ginagamit pero biglang ginawang “Love the Philippines”. Sinong henyo ang nakaisip n’yan?

Parang nililito lang ang mga turista kaya huwag na kayong magtaka kung hindi tayo makahabol sa ibang bansa pagdating sa turismo dahil mas inuuna ng mga namumuno sa DOT ang kanilang political interest at mag-iwan ng sariling tatak kaysa interes ng bansa.

Saka ang mga turista kailanman ay hindi mamahalin ang Pilipinas dahil may sarili silang bansa. Pumupunta lang sila dito para mamasyal, magsaya, mag-relax at maranasan ang ipinagmamalaking ng tourist spot ng mga Pilipino, pero sabihin mong mahalin nila, malabo.

Ang ganyang slogan ay para lang sa mga Filipino dahil parang sinasabi n’yo na “mahalin ang sariling atin at huwag na kayong pumunta sa ibang bansa”. Hindi ikinonsidera ang mga dayuhang turista na siyang tunay na bumubuhay sa turismo sa ating bansa.

Maganda kung ginamit na lang ang slogan na ‘yan para ipaalala sa corrupt officials na tumigil na kayo sa pagnanakaw at isipin n’yo ang nakararaming mga Pilipino na nagdudusa at hindi makaahon sa kahirapan dahil sa katiwaliang ginagawa n’yo.

Dapat ‘yan ang ilagay sa bawat opisina ng pamahalaan para ipaalala sa lahat ng opisyales at empleyado ng gobyerno na “Love the Philippines” upang tuwing makikita nila ay magdadalawang-isip sila na gawin ang mga tiwaling gawain.

Hindi pangturismo ang slogan na ‘yan at lalong hindi ito katanggap-tanggap dahil hindi ang Pilipinas ang pino-promote nila kundi ang Bali Indonesia, Cyprus, Thailand at iba pang bansa dahil mga magagandang lugar nila ang ibinandera sa promotional video tapos ginastusan ng P49 million? Para n’yong ninakawan ang mga Pinoy dyan eh.

248

Related posts

Leave a Comment