AGAD na pinostehan ng mga tauhan ng Manila Police District – Ermita Police Station 5 ang Manila Hotel kung saan nasunog ang bahagi nito sa Katigbak Drive, Ermita, Manila noong Huwebes ng hapon.
Upang maiwasan ang pananamantala ng mga taong may masamang balak, at para sa seguridad sa mga dayuhan, iniutos ni Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz sa kanyang mga tauhan na higpitan ang pagbabantay.
Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau ng Fire Protection (BFP). bandang alas-2:50 ng hapon nang makatanggap sila ng report hinggil sa nasusunog na Hotel.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng BFP sa pangunguna ni Fire Inspector Fernando Javier ng Intramuros Fire Station, alinsunod sa direktiba ni Fire Senior Supt. Cristine Cula.
Ayon sa ulat ng BFP, nagsimula ang sunog sa ika-2 palapag ng Manila Hotel kung saan naroroon ang Health Club.
Limampung pulis ang agad na idineploy ni Lt. Col. Cruz, na pinangunahan ni Police Lieutenant Job Visca Jimenez, hepe ng Rizal Park Outpost, sa lugar ng insidente.
Nabatid mula kay Lt. Javier, naitala ang unang alarma ng dakong alas-2:50 ng hapon at alas-3:15 ng hapon nang ideklarang 2nd alarm.
Mismong si Cula ang nagdeklara ng ikatlong alarma dakong 3:40 ng hapon, idineklarang fire under control ng dakong 3:53 ng hapon at fire-out ng dakong 4:05 ng hapon.
Bukod sa sa mga tauhan ng Intramuros Fire Station, nagresponde rin ang Octagon Fire Volunteer, Ermita-Malate Fire Volunteer, Galas Fire Rescue, Kalaw Fire Volunteer, Twin Fire Volunteer, Raze Fire Rescue at Paco Volunteer.
Wala namang iniulat na nasaktan sa sunog subalit nagkaroon ng kaunting tensyon sa naka-check-in na mga dayuhan at ilang staff ng hotel.
(RENE CRISOSTOMO)
