‘Di ramdam ng ordinaryong Pinoy – Hontiveros ‘UNITY’ NI MARCOS PARA LANG SA POWERFUL

(DANG SAMSON-GARCIA)

MATAPOS ang isang taong panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinatunayan nito na ginamit lamang ang salitang unity para pagkaisahin ang mga makapangyarihan at hindi naman sadyang nararamdaman ng ordinaryong mamamayan.

Ito ang pahayag ni Senador Risa Hontiveros kasabay ng pagpuna sa mga patuloy na problema ng bansa.

“Unity is nothing but a hollow facade. Ito lang ang napatunayan ng Presidente sa unang taon niya sa Palasyo,” pahayag ni Hontiveros sa Kapihan sa Senado.

Inisa-isa ni Hontiveros ang mga problemang patuloy pa ring dinaranas ng mga Pinoy na tila naisantabi anya ng administrasyon.

Pangunahin sa talaan ng senador ang patuloy na mataas na presyo ng mga bilihin, kakulangan ng trabaho at hindi pa rin pagkakaahon sa pandemya dulot ng COVID-19.

“All that this administration continues to do is mask the very real, valid problems of the Filipino people and repackage them into messages of false positivity. Hindi na rin nakakagulat bilang “best in historical revisionism” naman ang legasiya ng lideratong ito,” dagdag pa ng senador.

“Hayahay, laidback si Pangulo samantalang urgent dapat ang tugon sa inflation, unemployment, kahirapan, mataas na bayarin, lalo na ang korapsyon,” giit pa ni Hontiveros.

Pinuna rin nito ang patuloy na smuggling kasabay ng pagbibigay-diin na lumala pa ang state-sponsored agricultural smuggling.

“Ngayon pwede nang piliin ng Malacanang ang importers at mag-import ng asukal kahit walang sugar order. Dahil sa VIP treatment sa mga cartel, naging pinakamahal sa mundo ang sibuyas at asukal ng mga Pilipino,” pahayag ni Hontiveros.

Sa huli, sinabi ni Hontiveros na inaasahan niyang babanggitin ni Marcos sa kanyang ikalawang SONA ang mga programa para sa ordinaryong mamamayan, partikular para sa kabataan at kababaihan.

120

Related posts

Leave a Comment