PUNA ni JOEL AMONGO
UNAHIN po natin ang positibo sa pabahay ng gobyerno partikular sa condo style housing project na ginagawa ngayon ng National Housing Authority (NHA).
Maganda ang condo style na ito partikular sa usapin ng lugar dahil nasa National Capital Region (NCR) lamang siya o tinatawag na in city housing project.
Pabor din ito sa mga anak ng benepisyaryo na nag-aaral at nagtatrabaho sa Metro Manila dahil hindi sila mahihirapan sa pag-uwi sapagkat malapit lamang ito sa kani-kanilang paaralan o opisina.
Mararanasan din nila minsan na tumira sila sa isang condo unit na kadalasan ay tirahan lamang ng mayayamang pamilya.
Kung may positibo ay mas marami naman ang negatibo sa NHA condo style housing project na ito.
Tulad ng pagiging maliit ng sukat ng bawat unit, kung saan ang isang pamilya na may 7 miyembro ay mahihirapan na magkasya nasabing pabahay.
Wala ring babayarang lupa ang bawat benepisyaryo nito na nakapirmi lamang ang sukat ng bawat unit na hindi na maaaring magkaroon pa ng expansion.
Hindi rin nila ito maaaring palakihin tulad ng horizontal housing project na single-detached o attached na may lupa at may pagkakataon silang magkaroon ng expansion ng kanilang bawat bahay.
Ang pinakamalaki pang problema na kahaharapin ng mga benepisyaryo ay pagkalipas ng 50-taon. ang condo style housing na ito ay iko-condemn o gigibain dahil sa kahinaan na ng gusali sa tagal ng panahon ng paggamit
Pagkatapos magiba, saan na naman kaya mapupunta ang mga nakatira dito? Siyempre balik sila sa kanilang mga pinanggalingan sa ilalim ng tulay o paligid ng ilog o estero at kanal.
Ang bawat unit ng condo style housing project ay babayaran ng benepisyaryo sa loob ng 25 hanggang 30-taon.
Alam kaya ng mga benepisyaryo ang kalakarang ito sa mga condo style housing?
Kung hindi nila alam, sinabi kaya ito sa kanila ng pamunuan ng gobyerno?
Lumalabas din na hindi binili ng mga benepisyaryo ang kanilang condo style unit kundi inuupahan lamang nila ito sa loob ng 25 hanggang 30-taon at pagkalipas ng 50-taon ay mapipilitan nila itong lisanin para gibain ang gusali.
Base sa natanggap nating impormasyon, mahigpit ding ipinagbabawal ng NHA ang pagpasa o pagbebenta ng mga benepisyaryo ng kanilang unit sa iba.
Nabatid din ng PUNA na ang mga benepisyaryo ng condo style pabahay ng NHA ay ang mga naapektuhan ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), tinamaan ng mga kalamidad, nakatira sa mapanganib na mga lugar na pawang mahihirap na pamilya.
Kung pagkalipas ng 50-taon ay gigibain na ang condo style pabahay ng gobyerno, lumalabas na ito ay tugon sa problema sa squatters sa Metro Manila.
Ito ay panandalian at hindi pang habambuhay na solusyon ng gobyerno sa problema sa squatters. Tsk! Tsk! Tsk!
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
197