WANTED SA MURDER PATAY SA ENGKWENTRO

CAVITE – Patay ang isang lalaki na may patong-patong na kaso nang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Cavite Police habang isinisilbi ang dalawang warrant of arrest sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Sabado ng hapon.

Dead on arrival sa CARSIGMA Hospital ang suspek na si Ronnie Edondo Kilme, nasa hustong edad, ng Brgy. Kaong, Silang, Cavite dahil sa tama ng mga bala sa katawan.
Sugatan naman ang isang alyas “Robot”, nasa hustong edad, isang confidential informant, at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Velasco Hospital.

Ayon sa ulat ni Police Corporal Minervin Castillo ng Silang Police Station, dakong alas-5:20 ng hapon, nagtungo ang mga operatiba ng Intelligence and Warrant Section ng Silang MPS, sa Brgy. Kaong, Silang, Cavite upang isilbi ang dalawang warrant of arrest laban kay Kilme subalit pumalag ito na nauwi sa palitan ng putok na nagresulta sa pagkakabaril sa suspek. Habang tinamaan naman ng bala ang confidential informant ng pulisya.

Si Kilme ay wanted sa kasong murder at target ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Dennis Jusi Rafa, ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region Branch 154, Biñan City, Laguna; at warrant of arrest sa kasong frustrated murder na inisyu ni Presiding Judge Purificacion Baring Tuvera, ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 23, Trece Martires City, Cavite.

(SIGFRED ADSUARA)

276

Related posts

Leave a Comment