ISA SA 18 NAG-RESIGN NA POLICE OFFICIALS BAGMAN NG QCPD CHIEF?

UMUGONG ang katanungang ito matapos makasama sa 18 police officials na tinanggap ng Pangulong Marcos ang pagbibitiw, ang pangalan ni Police Col. Fernando Reyes Ortega na sinasabing ‘bagman’ ni Quezon City Police District (QCPD) chief Brig. Gen. Nicolas Torres III.

Kung matatandaan, 953 police officials mula sa full pledge colonel hanggang police generals ang pinagsumite ng ‘courtesy resignation’ noong Enero ng kasalukuyang taon.

Ito’y upang mawala na nang tuluyan ang tinatawag na ‘ninja cops’ sa buong hanay ng Philippine National Police, ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos.

Isang araw matapos ideklara sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM na tatanggapin nito ang resignation ng ilang PNP officials, inilabas nitong Martes ng tanghali ang pangalan ng 18 police officials.

Sila ay sina: PBGEN Remus Balingasa Medina; PBGEN Randy Quines Peralta; PBGEN Pablo Gacayan Labra; PCOL Rogarth Bulalacao Campo; PCOL Rommel Javier Ochave; PCOL Rommel Allaga Velasco; PCOL Robin King Sarmiento; PCOL Rex Ordoño Derilo; PCOL Julian Tesorero Olonan; PCOL Rolando Tapon Portera; PCOL Lawrence Bonifacio Cajipe; PCOL Dario Milagrosa Menor; PCOL Joel Kagayed Tampis; PCOL Michael Arcillas David; PCOL Igmedio Belonio Bernaldez; PCOL Rodolfo Calope Albotra Jr.; PCOL Marvin Barba Sanchez at Col. Fernando Reyes Ortega na malapit umanong tauhan ni Gen. Torres.

Bunsod nito, marami są ‘intel community’ ang nagtaasan ang kilay dahil sa pagkakadawit sa pangalan ni Col. Ortega.

Kung may pagdududa umano ang ‘adhoc committee’ na binuo ng Palasyo ng Malakanyang, sa 18 PNP officials, kasama si Ortega, na sangkot sila sa ipinagbabawal na gamot, paano naman ang report na sangkot din ito sa pagbibigay proteksyon sa illegal gambling?

Idinagdag ng impormante na si Ortega ay sagradong bata ni Torres kaya malamang ang bawat galaw nito ay alam ng heneral, duda pa ng mapagkakatiwalaang source.

Nabatid na ang pangalan ni Col. Ortega ang ipinagmamalaki ng mga gambling lord na nag-ooperate sa Quezon City na nagbibigay umano ng proteksyon sa kanila.

Palagi umanong iniyayabang ng mga illegal gambling operators na sina Alyas Tisay, Alyas Pinong at Alyas Lito Motor na walang pwedeng humuli sa kanila dahil regular ang ibinibigay umano nilang payola sa tanggapan ni Gen. Torres sa pamamagitan ni Col. Ortega.

Kapalit ng payolang ito ay ang malayang operasyon ng illegal na pasugalan ng tatlo, tulad ng jueteng, bookies ng karera ng kabayo, lotteng at mga sugal lupa.

Kamakailan ay iniutos ni bagong upong National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Corpus Nartatez ang ‘no take policy.’

Simula nang maupo si Gen. Torres sa QCPD noong August ng nakalipas na taon, wala pang malinaw na direksiyon ang liderato nito hinggil sa kampanya kontra ilegal na pasugalan.

Isa naman ang Quezon City sa mga pangunahing lungsod sa Metro Manila na may mataas na insidente ng krimen, bentahan ng ipinagbabawal na gamot at talamak na illegal gambling.

“Imposibleng hindi kilala ni Gen. Torres sina Tisay, Pinong at Lito Motor. Bakit walang anti-illegal gambling operation ngayon sa Quezon City? Baka nga totoo ang regular payola na ibinibigay nila linggu-linggo? Sana makarating ito kina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Sec. Abalos,” sabi naman ng isang mapagkakatiwalaang source.

Tinangkang kunan ng reaksyon sina Gen. Torres at Col. Ortega kaugnay sa isyung ito, ngunit wala silang tugon hinggil dito. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

892

Related posts

Leave a Comment