PINATITIYAK ni Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Budget and Management (DBM) at sa Department of Health (DOH) na matutupad ang pangako ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA)
Tinukoy ni Go ang mabilis na distribusyon ng risk allowances ng mga healthcare workers na naging frontliners ng kampanya kontra COVID-19 pandemic.
“Bilisan po ang backlog, ibig sabihin yung mga previous years na dapat ibigay na mga risk allowance para sa mga health workers,” saad ni Go.
Ipinaalala ng senador na itinaya ng mga health workers ang kanilang buhay para labanan ang pandemic.
“Hindi po natin mararating itong kinararatnan natin kung hindi po dahil sa sakripisyo at tulong ng ating mga medical frontliners. Tulungan po natin sila, ibigay po ang nararapat para sa kanila,” diin nito.
“Nakikiusap po ako sa DBM, sa DOH, bilisan n’yo po. May pondo naman po aprubado sa 2023 budget, which is about P19 billion. Unahin n’yo po ang previous years, bayaran n’yo po what is due to them, bilisan n’yo,” giit ng senador.
“Kung maaari ihatid n’yo nga po sa kanilang mga tahanan. Bilisan n’yo thru ATM, ipasok n’yo na agad sa mga account nila dahil napakaliit ito na halaga kumpara sa sakripisyong ginawa ng ating mga medical frontliners,” dagdag pa nito.
Bagama’t inalis na anya ang deklarasyon ng State of Public Health Emergency, dapat pa ring ipagkaloob sa mga healthcare workers ang kanilang mga benepisyo.(Dang Samson-Garcia)
169