MISTULANG dedma si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa magkakasunod na big time oil price hike na inaasahan magpapalala pa sa presyo ng mga pangunahing pagkain sa bansa dahil isinabay ito sa pananalasa ng bagyong Egay sa mga taniman sa Northern Luzon.
Pinuna ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang aniya’y nakabibinging katahimikan ni Marcos sa panibagong oil price hike na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis nitong Martes, kung saan umaabot sa P3.50 ang itinaas ng bawat litro ng diesel.
“The silence of the Marcos Jr. administration on the soaring prices of oil products is unacceptable. Binida niya sa kanyang SONA ang pagpapababa raw ng presyo ng bilihin, pero nakikita natin ngayon na patuloy lamang itong tumataas,” ani Brosas.
Bago ang huling big time oil price increase, tumaas na ng P2 ang presyo ng mga produktong petrolyo mula July 17 hanggang July 25 kaya inaasahan na aniya na magkakaroon ito ng epekto sa mga pangunahing bilihin lalo na sa pagkain.
“The looming price hikes in diesel and gasoline will not only have a direct impact on transportation costs but may also trigger an increase in the prices of food and other basic commodities. The government must act swiftly to prevent further hardships for the Filipino people,” ayon pa sa mambabatas.
Isa sa mga nais aniyang marinig ng mamamayan kay Marcos ang dagdag sahod dahil ang ibinigay na P40 umento sa Metro Manila workers ay nawalan ng halaga sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kinalampag din niya ang mga regional wage board dahil hanggang ngayon ay wala pang desisyon sa dagdag na sahod ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon. (BERNARD TAGUINOD)
