BISTADOR ni RUDY SIM
MALALAGAY ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa alanganin kung ipagpapatuloy ng Ethics Committee ang kanilang isinasagawang hakbang upang mapatalsik bilang miyembro ng Kamara si Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ang tila pagiging linta ng ilang kongresista sa administrasyon ay posibleng makasira sa tiwala ng taumbayan at ito ay pinalagan ni dating House Speaker Pantaleon D. Alvarez, na aniya ay hindi katanggap-tanggap ang rekomendasyon ng komite para sa expulsion ni Teves na inihalal ng taumbayan bilang kanilang kongresista.
Base sa paliwanag ng komite, kanilang pinagbasehan lamang ang mga alegasyon laban kay Teves at mga post umano nito sa social media na napakababaw na dahilan, at bakit hindi muna kasuhan si Teves at hintayin ang desisyon ng hukuman kung ito man ay talagang nagkasala sa batas, at sa puntong iyon ay mayroon nang sapat na dahilan upang sibakin ang kongresista mula sa Negros Oriental.
Nauna nang hiniling ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, sa Kongreso na itigil ang kanilang imbestigasyon dahil ayon sa kanilang house rules, kung mayroon nang nakasampang kaso o imbestigasyon sa alinmang law enforcement agencies, ay dapat nang ipaubaya ito upang hindi makaapekto sa maaaring maging desisyon sa pag-usad ng batas.
Ayon pa kay Alvarez, maraming ibang mga mambabatas ang mas mabibigat ang ginawang kasalanan pero bakit hindi sinibak sa Kongreso? Samantalang si Teves na ang unang sinilip sa kanya ay ang kanyang ‘absence without leave’ at dalawang magkasunod na suspension ngunit hindi ito umubra para mapauwi ang kongresista na ngayon ay nasa Timor Leste, kung saan ito kumuha ng political asylum.
Ano ang tunay na dahilan ng Kongreso, bakit tila minamadali na mapatalsik si Teves? Sino kaya ang “G na G” na nagtutulak upang isulong ng mga kongresista ang kasong dapat ay hinahayaan na lamang nilang gumulong sa hukuman kung talaga bang sangkot si Teves sa mga kaguluhan sa kanilang lalawigan, at pinangalanan pa na Teves Terrorist Group ng Anti-Terrorism Council (ATC). Tama ba ang ginawang ito o ito’y labag sa karapatang pantao?
Nagpahayag kamakailan si Senator Chiz Escudero na hindi makatarungan na isama si Teves sa mga teroristang grupo kagaya ng ISIS, Maute at iba pang extremist group na naghahasik ng kaguluhan sa publiko. Ang desisyon kaya na ito ng Kamara ay upang malason ang isipan ng publiko upang lumabas na kontrabida si Teves?
‘Yan ang malaking pagkakamali ng mga sipsip sa gobyerno dahil ang mamamayang Pilipino ngayon ay matatalino na at nananahimik na lamang at pagdating ng mga susunod na halalan ay kanilang ihahalal ang tunay na pagkakatiwalaan.
107