NIRESBAKAN ni Navotas Rep. Toby Tiangco si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., dahil sa pagkakalat umano nito ng fake news para idepensa ang small committee sa 2022 House-General Appropriations Bill (HGAB) na pinamunuan ni dating Appropriations chairman at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
“Nakakalungkot na kailangan pang magpakalat ng fake news si Cong. Abante para lang ipagtanggol ang small committee na tumalakay sa 2025 HGAB na pinamunuan ni Cong Zaldy Co,” ani Tiangco.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil tila kinukuwestiyon ni Abante kung bakit ngayon lamang niya hinahanap ang report ng small committee gayung matagal na siyang Congressman.
Kasabay nito, naawa umano si Abante kay Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, na namumuno ngayon sa Appropriations committee dahil sa kanya hinanap ni Tiangco ang report ng small committee.
“Madali naman mag-research. For the record, I questioned the budget process in 2012, 2014, and 2015. After that, napagod na ako and admittedly hindi na ako nag-question kasi tulad ngayon, independent din ako noon at maa-outvote lang ako,” paliwanag ni Tiangco.
Lalong kailangang aniyang makita at maispulibiko ang 2025 HGAB dahil ang 2025 General Appropriations Act (GAA) ang ikinokonsiderang pinakamalalang budget sa kasaysayan ng bansa.
Sinabi ni Tiangco na nagsimula ang amendments sa 2025 National Expenditure Program (NEP) na pinamunuan ni Co at muli itong inamyendahan sa Bicameral Conference Committee na binubuo ng mga piling miyembro ng Kamara at Senado.
Bagama’t may signed report aniya ang BIcam, walang makitang report ng small committee kaya posibleng wala talaga o kaya ayaw ilabas ni Co ang hinahanap niyang dokumento.
“Nagkaroon lang ulit ako ng pag-asa after the President’s SONA kaya muli kong binuhay ang isyung ito, dahil Presidente na mismo ang may gustong ayusin ang proseso ng budget. Nagtataka lang ako bakit tila takot na takot sila kapag ang small committee report ang pinag-uusapan,” ayon pa kay Tiangco.
Ipinaalala ni Tiangco kay Abante ang payo nito sa isang vlogger sa isang pagdinig sa Kamara na huwag magkalat ng fake news at itama ang maling impormasyon na ikinalat nito na ngayon ay tila ginawa ng Manila solon.
(BERNARD TAGUINOD)
