ABS-CBN HANGGANG MARSO NA LANG?

POSIBLENG hanggang Marso na lang ang ABS-CBN dahil senyal na “patay” na ang prangkisa nito matapos ang inihaing quo warranto case ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema.

Ganito inilarawan ng administration congressman na si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang quo warranto case na isinampa ni Calida at babala rin umano ito sa mga congressman na nagtutulak para sa panibagong prangkisa ng nasabing TV network.

“That is the correct word, it will have a chilling effect on some of the representatives who will be attending the hearing,” ani Pimentel na kabilang sa mga mambabatas na naghain ng panukala para sa panibagong 25 taong prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon sa mambabatas, hindi ito naniniwala na walang go signal si Pangulong Rodrigo Duterte sa paghahain ni Calida ng kaso sa Korte Suprema tulad ng depensa ni Presidential spokesman Salvador Panelo.

“Of course, as I said, the OSG will not file the case if there is no go signal from the higher ups. Now, that could be a clear signal to congressmen who will be attending the hearings,” ani Pimentel na miyembro ng administration party na PDP-Laban.

“Makikita na nila na magpa-file ng case, so those who would be in favor of the renewal, might change their mind or they cannot speak up anymore because we know very well that the executive department is moving for the cancellation of the franchise,” dagdag pa ng mambabatas.

Kabilang sa mga mambabatas na nasa likod ng 11 panukalang batas para sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN sina House deputy speaker Vilma Santos-Recto, dating reporter na si Laguna Rep. Sol Aragones, Parañaque Rep. Myra Tambunting at mga Makabayan congressman.

Maging ang mga militanteng mambabatas ay dismayado sa aksyon ni Calida dahil isa umano itong uri ng panggigipit sa media at pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag.

WALANG SAYSAY

Wala naman umanong katuturan ang quo warranto petition laban sa ABS-CBN na isinampa ni Solicitor General Jose Calida.

Ito ang reaksyon ni Albay Rep. Edcel Lagman kaugnay ng petisyon ni Calida sa SC na humihiling na bawiin ang legislative franchise na ibinigay ng gobyerno sa TV network.

Ayon kay Lagman, walang saysay ang petisyon ni Calida dahil ang quo warranto ay inihahain kung may inagawan ng public office, position o prangkisa.

“A holder of a valid congressional franchise is not a usurper. Any violation in the use or exercise of a valid franchise should be judicially established in separate action alleging such violations, but not in a quo warranto proceeding on usurpation because a valid franchisee is not a usurper,” paliwanag ni Lagman.

Dagdag ng mambabatas, hindi rin ang Korte Suprema ang tamang venue sa ganitong petisyon bagkus ay ang Regional Trial Court.

PAGLABAG IDETALYE

Samantala, inatasan ni Senador Grace Poe ang OSG na ilantad o isapubliko ang detalye ng sinasabing paglabag ng ABS-CBN sa prangkisa kaya ito naghain ng quo warranto case sa Supreme Court.

Sa panayam, sinabi ni Poe na kailangang malinawan kung ano ba talaga ang basehan ng pagsasampa ng quo warranto case  partikular ang mapang-abusong gawain ng ABS-CBN.

“Well unang-una nais kong malinawan kung ano ba talagang basehan nito kasi sinabi nila abusive practices, diumano, or mapang-abusong gawain, pero hindi naman nadetalye pa sa ating pagsasaliksik o sa news na lumabas kung ano ba itong mga ito,” ayon kay Poe.

Sinabi ni Poe na dapat talagang pag-aralan ang prangkisa ng ABS-CBN na kapangyarihan ng Kongreso, ang mababang kapulungan at Senado.

Para naman kay Senador Panfilo Lacson, walang masama sa isinagawang paghahain ng quo warranto case sa SC dahil may kanya-kanyang hurisdikyon ang Korte at Lehislatibo.

“It is a matter of different jurisdictions. The quo warranto petition is under the original jurisdiction of the Court. Approval or renewal of legislative franchise is the jurisdiction of both houses of Congress. As such, I see no conflict in jurisdictions,” giit ni Lacson. BERNARD TAGUINOD, ABBY MENDOZA, ESTONG REYES

428

Related posts

Leave a Comment