PATAY ang isang pulis matapos magbaril sa sarili sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Rosario, Pasig City, noong Lunes ng hapon.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/MGen. Debold Sinas ang nagpakamatay na pulis na si P/MSgt. Roberto P. Defeliz, 53, may-asawa, nakatalaga sa District Explosive and Ordnance Disposal and Canine Unit, at residente ng #171, West Bank Road, Brgy. Rosario, Pasig City
Nabatid na sinubukan pang pigilan ng kanyang anak na babae si Defeliz nang makita nitong hawak ng kanyang ama ang isang baril, alas-4:30 ng hapon at binibigkas ang mga katagang “Gusto ko nang mamatay”.
Ngunit biglang kinalabit ni Defeliz ang gatilyo ng baril sa kanyang dibdib na naging dahilan ng kanyang kamatayan habang isinusugod sa Pasig City General Hospital.
Hinihinalang labis na depresyon ang dahilan kung bakit magpatiwakal ni Defeliz.
Nangako naman si Sinas sa pamilya ng biktima na patuloy nilang iimbestigahan ang insidente kasunod ang pahayag na prayoridad ng NCRPO na tiyakin ang mataas na “morale and welfare” ng kanilang mga miyembro. (NICK ECHEVARRIA)
284
