ABUSADO SA SENADO, KINASTIGO NG HUSGADO

SA loob ng mahabang panahon, nagmistulang entablado ng mga epal na politiko ang plenaryo sa Senado kung saan santambak ang mapag­panggap na pro-Filipino. Ito ang kwento ng isang ­bungangerong senador na sinopla ng husgado.

Sa isang desisyon ng Pasay City Regional Trial Court, kinastigo ng husgado ang Senate Blue Ribbon Committee (sa pamumuno ni Sen. Richard Gordon), ang nakaambang pagdakip sa isang negosyanteng testigo dahil absent sa pagdinig noong ­Disyembre at Enero.

Ang totoo, mandato ng mga senador na maglunsad ng imbestigasyon sa mga mainit na usapin sa lipunan, lalo pa’t kapakanan ng sambayanan ang nakabuyangyang. Pero tila nawaglit sa hanay ng mga mambabatas na hindi wastong gamitin ang imbestigasyon para palutangin ang sariling reputasyon.

Sa anim na pahinang kalatas ni Judge Elenita Dimaguila ng Pasay City RTC 122, kinatigan ng husgado ang petisyong inihain ng negosyanteng si Rose Nono Lin sa ‘di umano’y hindi makatwirang warrant of arrest na ipinalabas ng komite ni Gordon sa kabila pa ng mga katibayang nagbibigay katwiran sa pagliban ng negosyante sa pagdinig ng Senado kaugnay sa sumambulat na anomalyang kinasasangkutan ng mga prominenteng taong-gobyerno at ng Pharmally Pharmaceutical Corp.

Sa tala ng Senado, pitong ulit na dumalo sa mga patawag ng Blue Ribbon Committee si Lin, at ang tanging naging pagliban ay noong Disyembre 21, 2021 at Enero 27 ng kasalukuyang taon.

Hindi ko pinapanigan si Lin o kung sino mang bulilyaso sa ­gobyerno. Subalit dapat din marahil maging bukas ang Blue Ribbon Committee sa mga sirkumstansyang kalakip ng isang patas na pagdinig lalo pa’t ang tanging pakay ng mga congressional inquiry ay kumalap ng datos para sa pagbalangkas ng batas sa hinaharap na panahon.

Matibay ang alibi ni Lin sa kanyang pagliban. ­Nakapagsumite ito ng medical certification na siya’y kontaminado ng COVID-19 noong Disyembre 21, 2021 at nasa malayong lalawigang bagsak ang linya ng kuryente at komunikasyon noong Enero dahil sa malawak na pinsalang iniwan ng bagyo.

Maging sa isang ordinaryong pagdinig sa husgado, binibigyan ng pagkakataon ang sino mang lumiban sa patawag ng korte para ipaliwanag ang sirkumstansya sa hindi pagdalo. Sa kaso ni Lin, pitong patawag ang kanyang sinipot at nilahukan – sukdulang gawin siyang patamaan ng epal na senador na wari mo’y isang huwaran.

Ang totoo, ang pagiging epal ng ilang mambabatas ang dahilan kung bakit madalas tayong nalulusutan ng mga iniimbestigahang sangkot sa katiwalian. Kasi naman inuna pa ang publisidad kesa integridad.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

214

Related posts

Leave a Comment