BAGAMAN posibleng ipagpatuloy ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tradisyon na hindi obligahing humarap ang Bise Presidente sa pagdinig sa budget ng kanyang tanggapan para sa taong 2026 ay kinakailangan pa ring sumipot ang ilan niyang tauhan.
Ani Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, obligadong humarap ang mga opisyales ng Office of the Vice President (OVP) para idepensa ang kanilang budget dahil sila ang nagpanukala nito.
Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos sabihin ni Vice President Sara Duterte na hindi siya haharap sa 2026 budget hearing na magsisimula sa Agosto para idepensa ang hinihinging P733 million pondo ng kanyang tanggapan.
Ayon sa mambabatas, naging maluwag ang Kongreso sa nakaraang budget hearing ng OVP kung saan hindi inobliga ng mga ito ang Bise Presidente na idepensa ang pondo ng kanyang tanggapan.
Bukod sa OVP ay hindi rin pinahaharap nang personal ang pangulo ng Pilipinas subalit sinabi ng mambabatas sa zoom press conference na ang top officials ng Office of the President at OVP ang humaharap sa pagdinig.
“I hope in the next Congress, kung hindi man siya makapunta, at least yung mga accountable officers ng kanyang opisina makapunta at magpresinta ng kanyang budget dahil unang-una sila ang gumawa ng request (pondo) na ito at sila po ang may authority na sumagot ng accurate dun sa mga possible na magiging katanungan,” ani Adiong.
Sa nakaraang 2025 budget hearing, ipinatawag ng Kamara si Duterte para pagpaliwanagin sa P500 million confidential funds ng OVP noong 2023 matapos matuklasan na ginamit umano ito sa maling paraan.
Gayunpaman, hindi sinagot ni Duterte ang alegasyon bagkus ay ipinaubaya nito sa Kongreso ang desisyon sa pondo ng kanyang tanggapan kaya mula sa hinihinging P2.037 billion para sa taong 2025 ay binigyan ito ng P733 million na lamang.
“Mas makakatulong kung makakapunta siya (Duterte). Ngayon kung desisyon niya na hindi pumunta, so again hindi ko mape-preempt kung ano ang magiging desisyon ng 20th Congress,” dagdag pa ni Adiong.
(BERNARD TAGUINOD)
