BAGAMA’T isang pasyente ang namatay, bumaba na sa 134 ang active COVID-19 cases sa Navotas City hanggang 11:59 pm noong Oktubre 16 matapos na lima ang nagpositibo sa virus at 28 naman ang gumaling.
Kaugnay nito, dahil ibinaba na ang Metro Manila sa Alert Level 3, ipinasa ng Sangguniang Panlungsod at pinirmahan ni Mayor Toby Tiangco ang City Ordinance No. 2021-56 na nagpapawalang-bisa sa liquor ban sa lungsod.
Gayunpaman, iginiit ng punong lungsod na bawal pa rin ang pag-inom sa mga pampublikong lugar batay sa Municipal Ordinance 2002-06, kabilang ang mga kalye, bangketa at eskinita.
Aniya, pwedeng magbenta, bumili, o uminom sa inyong bahay o sa mga establisimyentong awtorisadong magsilbi ng alak.
“Manatiling maingat para tuloy-tuloy na ang pagbaba ng mga kaso pati na ang pagluwag pa ng mga restriction. Stay safe!” pagwawakas ni Tiangco.
Pumalo na sa 17,502 ang mga tinamaan ng COVID sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 16,830 na ang gumaling at 538 ang namatay.
Samantala, anim ang nadagdag na confirmed COVID cases sa Malabon City noong Oktubre 17. Sa kabuuan ay 21,007 ang positive cases sa lungsod, 150 dito ang active cases. Tatlo naman ang gumaling at 20,222 ang recovered patients habang nanatili sa 635 ang bilang ng COVID casualties. (ALAIN AJERO)
