AFP HANDANG UMAYUDA SA PNP SA EDSA COMMEMORATION

TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinikilala nito ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag kasabay ng inaasahang public assemblies sa Metro Manila para sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Bagaman pangunahing tungkulin ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapanatili ng kaayusan, handa ang militar na tumulong kung hihilingin ng awtoridad, ayon kay AFP Public Information Office chief Col. Xerxes Trinidad.

Ayon sa AFP, may nakahandang security at readiness measures ang AFP-National Capital Region Command upang matiyak ang kaligtasan ng publiko habang iginagalang ang karapatang sibil.

Kasabay ng paggunita sa Pebrero 25 ang ikinasang ikatlong “Trillion Peso March” bilang protesta laban sa korupsyon at political dynasties.

Nabatid na magdedeploy ang PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 13,448 personnel sa buong Metro Manila bilang bahagi ng inilatag na security blanket para sa EDSA commemoration at inaasahang pagdalo ng tinatayang 30,000 katao, ayon sa Tindig Pilipinas.

Bukod dito, magpapadala rin ng tig-1,500 tauhan ang Police Regional Office 3 at Police Regional Office 4A bilang augmentation force. Naka-standby rin ang AFP-NCR para sa karagdagang suporta.

Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin, hindi kalaban ng mamamayan ang pulisya at layunin nitong tiyakin na magiging maayos, ligtas, at mapayapa ang mga aktibidad.

Ang Pebrero 25 ay paggunita sa 1986 People Power Revolution na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos Sr. at nagluklok kay Corazon Aquino bilang pangulo.

(JESSE RUIZ)

5

Related posts

Leave a Comment