NAGDAGDAG pa ng puwersa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga sundalong isinasabak sa humanitarian assistance and disaster response (HADR) sa binahang mga lugar sa Metro Manila at Southern Tagalog provinces para sagipin ang mga residenteng lubhang naapektuhan ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay, isa sa mga tinutukan nila nang husto ang lungsod ng Marikina dahil sa dami ng mga residente na na-trap sa mga bubungan habang lumilikas naman sa mas mataas na lugar ang iba sa gitna ng pananalasa ng nasabing bagyo na nagpabaha sa maraming lugar.
“The AFP through the Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) has deployed disaster response units in and around Metro Manila to assist local governments in rescuing and delivering aid to residents affected,” pahayag ni Navy Captain Jonathan Zata nitong Huwebes.
Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang ‘evacuation’ kaya inayudahan ng AFP-JTF-NCR’s Naval Task Group ang city disaster risk reduction units gamit ang kanilang rubber boats, trucks at mga tauhan.
“These were augmented by two disaster response units composed of three teams from the 7th Civil Relations Group, 101st Search and Rescue volunteers, and REACT PH volunteers that were deployed at 6:30 a.m. to Marikina City. Another amphibious team has likewise augmented the teams dispatched in Marikina earlier,” ani Zata.
Personal namang pinangasiwaan ni Philippine Navy flag officer in command, Vice Adm. Giovanni Carlo Bacordo ang lahat ng isinasagawang rescue efforts ng Hukbong Dagat sa kanilang command center sa PN headquarters.
Nabatid na tatlong Disaster Relief and Response Teams (DRRTs) mula sa Philippine Marine Corps (PMC), Bonifacio Naval Station at Naval Combat Engineering Brigade ang idineploy sa Langka St., Provident Village at Brgy. Bliss sa Marikina City simula pa noong Miyerkoles.
Tatlong amphibious assault vehicles (AAV) ng Philippine Marine Corps (PMC) ang isa sa pinakabagong gamit pandigma ng Navy na maaaring gamitin sa tubig at lupa, ang inilagay sa standby mode.
Maging ang Philippine Coast Guard (PCG) ay nag-deploy rin ng ilang air assets para suportahan ang rescue efforts at nagsagawa ng survey mission sa area na sakop ng Metro Manila at kalapit bayan ng Rizal.
“Said initiative is intended to aid the ongoing rescue operations and determine the extent of flooding in the affected areas of Typhoon Ulysses,” ani Coast Guard commandant Vice Adm. George Ursabia.
Inihayag din ng PCG na may dalawang helicopters ang idineploy para sa aerial rescue.
Tuluy-tuloy ang pagkasa ng rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ulysses.
Ayon sa ahensya, hanggang ala-1:00 nitong Huwebes ng hapon (Nobyembre 12), nasa kabuuang 20 rescue teams, kasama ang 72 personnel, ang naka-deploy sa Metro Manila at malalapit na probinsya tulad ng Rizal at Cavite.
Dala rin ng nakatalagang rescue teams ang 10 rubber boats, anim na aluminum boats, 11 multi-purpose vehicles, at tatlong truck.
Samantala, limang team naman ang nananatiling naka-standby sa PCG National Headquarters sakaling kailanganin pa ng karagdagang tulong sa evacuation at rescue. (JESSE KABEL)
242 