NANAWAGAN ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko na maging mapanuri sa paggamit ng social media, lalo na sa mga impormasyong may kinalaman sa pambansang seguridad.
“Sa gitna ng mabilis na pagdaloy ng impormasyon online, ang pagiging mapanuri ay hindi na lamang opsyon kundi tungkulin,” ayon sa pahayag ng mga tagapagsalita ng iba’t ibang major services ng AFP.
Ipinaalala ni AFP Public Information Office Chief Col. Xerxes Trinidad na may kaakibat na responsibilidad ang bawat “like” at “share” sa social media.
“Ang maling impormasyon ay banta na maaaring maghasik ng kalituhan at pagkakawatak-watak,” babala ni Trinidad.
Hinimok ng AFP ang publiko na iwasang maging instrumento ng pagpapakalat ng fake news at ugaliing suriin ang petsa, konteksto at kredibilidad ng pinanggagalingan ng impormasyon bago ito paniwalaan o ibahagi.
(JESSE KABEL)
4
