UMAPELA si Senador Sherwin Gatchalian ng agarang tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na lindol sa Bogo City at mga karatig na lugar sa Cebu.
Ayon kay Gatchalian, nakalulungkot na muling tinamaan ng lindol ang lalawigan na una na ring nakaranas ng malakas na pagyanig noong nakaraang taon.
Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangan ng mabilis at epektibong aksyon mula sa pamahalaan.
Hinimok ng senador ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, na agad magsagawa ng masusing assessment sa sitwasyon at tugunan ang agarang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na may nakalaang pondo ang pamahalaan para sa disaster response.
Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, umabot sa P23.492 bilyon ang inilaan para sa national disaster risk reduction and management program, habang P15.330 bilyon ang nakalaan para sa rehabilitasyon at reconstruction assistance.
Ayon pa sa senador, ang insidente ay nagpapakita ng kahalagahan ng mas pinalakas na disaster preparedness sa lahat ng antas.
Pinayuhan din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga itinakdang safety procedures, at aktibong makilahok sa mga earthquake drills upang maiwasan ang panganib sa buhay sa oras ng sakuna.
(DANG SAMSON-GARCIA)
26 