PCO DUMULOG SA DOJ LABAN SA UMANO’Y NAGPAPAKALAT NG FAKE NEWS

DUMULOG sa Department of Justice si acting Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez upang paimbestigahan ang umano’y nasa likod ng Facebook page na “Malasakit News Pilipinas” na nagpapakalat ng maling impormasyon.

Tinukoy ni Gomez ang isang post na nagsasabing magkakaroon umano ng “energy lockdown” o kakulangan sa suplay ng langis sa bansa—isang pahayag na aniya’y maaaring magdulot ng labis na pangamba sa publiko.

Ayon sa kalihim, ang ganitong uri ng pekeng balita ay posibleng mag-udyok ng panic buying at hoarding ng mga produktong petrolyo.

Dagdag pa niya, may ilang indibidwal umanong ginagamit ang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa energy emergency upang magbenta ng mga produktong may kaugnayan sa solar power.

Sinabi ni Gomez na inatasan sila ng Pangulo na agad tugunan ang mga ganitong panlilinlang, dahilan upang humiling sila ng imbestigasyon sa DOJ.

Para naman sa DOJ, nilinaw na ang isinumite ng PCO ay hindi pa pormal na reklamo kundi isang referral kay Justice Secretary Frederick Vida para sa kaukulang pagsusuri.

Samantala, iginiit ni Gomez na iimbestigahan din ang iba pang nagpapakalat ng fake news laban sa First Family, kabilang ang mga usapin tungkol sa kalusugan ng Pangulo.

Tiniyak niya na walang sinoman ang makaiiwas sa imbestigasyon at posibleng maharap sa kaso ang mapapatunayang may pananagutan.

(CHRISTIAN DALE)

26

Related posts

Leave a Comment