MGA LARO NGAYON:
(MALL OF ASIA ARENA)
4:30 P.M. — NORTHPORT VS TNT
7:00 P.M. — NLEX VS ALASKA
(PHOTO BY MJ ROMEO)
PANGUNGUNAHAN ni Terrence Jones ang kampanya ng TNT KaTropa para makontak ang ikatlong sunod nilang panalo ngayong hapon kontra NorthPort Batang Pier sa PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena.
Marami ang nag-aabang kung maipagpapatuloy ni Jones ang kanyang mainit na performance sa pagtatapat ng KaTropa at ng Batang Pier sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon.
Si Jones ay umiskor ng 41 at 43 puntos sa unang dalawang laro, kung saan tinalo ng TNT ang NLEX Road Warriors at Alaska Aces, ayon sa pagkakabanggit. Tiwala naman sina coach Bong Ravena at consultant Mark Dickel na magagawang muli ni Jones ang magandang pinapakita ‘di lamang sa opensa pati na rin sa depensa.
Susubukan din nina Jayson Castro, RR Pogoy at Troy Rosario na maging susi sa pagpapatuloy ng winning ways ng KaTropa laban sa Batang Pier, na naipanalo rin ang unang dalawang laro nito.
Kahit na naka-sideline si Stanley Pringle gawa ng injury niya sa kanyang paa, nagawa pa rin ng NorthPort na manalo sa Alaska Aces at NLEX Road Warriors sa pangunguna ng import na sina Prince Ibeh, Sean Anthony at rookie Robert Bolick.
Samantala, makakapaglaro na para sa NLEX ang dating Star Hotshots import na Tony Mitchell sa paghaharap nila ng Alaska Aces sa second game sa oras na alas-7:00 ng gabi.
Napilitang maglaro ang Road Warriors nang walang import matapos hindi nasecure ni Mitchell ang kanyang GAB license bago ang laban nila sa Batang Pier.
Si Mitchell ay pumalit kay Curtis Washington na naglaro noong laban ng NLEX sa TNT.
Ang Alaska naman ay gutom na tapusin ang two-game losing streak.
