IDINULOG sa aming programa sa radyo sa DWDD 1134 KHz AM na UP UP Pilipinas nitong nakaraang Miyerkules ang sitwasyon ng pagmamaltrato at isa pang hindi makauwing OFW dahil sa pagkakaroon ng malaking pagkakautang.
Sa aming panayan nina BGen. Gerry Zamudio, Coco Naic, Bhong David, Emil Carreon at Ma Fe Nicodemus ay malungkot na ikinuwento sa amin ang pagmamaltrato at panghahalay sa isang domestic worker na OFW. Naiyak naman ako habang nagkuwento ang isa pang matandang OFW na hindi makauwi sa Pilipinas dahil sa pagkakautang.
Si Philip Badrina ay magkahalo ang galit at lungkot para sa sinapit ng kanyang asawa na nasa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia (KSA) dahil bukod sa pagmamaltrato ay hinalay ng anak ng kanyang amo ang kanyang kabiyak. Hindi ito makapagsumbong dahil sa bantang papatayin kung malaman ito ng otoridad. Dahil sa pangyayari si Badrina ay nagkasakit at dinala sa ospital. Pero paglabas niya ay kaagad na tumungo sa OWWA para magsampa ng reklamo.
Ngunit nagulat siya ng malaman na sa Riyadh ay pinabulaanan ng kaniyang asawa ang panghahalay sa harapan ng Welfare Officer. Sa ngayon ay kinausap ang OWWA Welfare Officer sa Riyadh para personal na makapanayam ang biktima para lumakas ang loob nito laban sa suspek. Problema naman nila ang kawalan ng kabuhayan kung sakali man makauwi ng Pilipinas.
Ang problemang ito ni Philip ay agad kong idinulog sa ating masipag na Welfare Officer sa Saudi Arabia na si Levy Gabutan.
Samantala si Tatay Pepito Siaton, 60-anyos ng Cordova, Cebu ay nasa bansang Jeddah pero simula 2010 ay hindi na siya nakauwi sa Pilipinas matapos ang kanyang kontrata bilang isang documents controller sa isang construction company.
Halos bulag na ang kanyang dalawang mata. Malabo na ang kanyang paningin at mahina na rin ang katawan. Buti na lang at mayroong pamilya Zamudio sa lugar niya sa Jeddah at nagkaroon ng busilak na kalooban para siya ay kupkupin.
Habang umiiyak ay ikinuwento ang sitwasyon niya dun sa pagkakautang ng 128K pesos mula sa isang private lending Arabian Company kaya di siya maka-uwi ng Pilipinas. Ang pera ay ginastos para suportahan ang gamot at pangangailangan ng kaniyang anak na may kapansanan (PWD) sa Pilipinas.
Kalunos-lunos ang kanyang kalagayan sa dayuhang bansa kaya wala na siyang magawa kundi umiyak, magmakaawa at magdasal na sana ay matulungan siya.
Ang kaniyang asawa ay kumikita lamang sa paglalaba at pag-aalaga ng mga pamangkin para mabigyan siya ng panggastos sa gamot ng anak niyang isang person with disability (PWD). Sa mga nais tumulong ang G-Cash account number ni Ginang Maria Elena Siaton ay 09166587313.
Sa idinudulog ni Tatay Pepito, napagdesisyunan namin ni Coco Naic na magtungo agad sa Cordova, Cebu upang personal na alamin ang kalagayan ng kanyang pamilya.
Ang malaking halaga na kailangan pagbayaran ni Tatay Pepito sa isang pribadong lending company ay amin rin inilapit sa ilang mga kaibigan upang mag-ambagan na mabuo ang halagang 128k pesos upang matapos na ang kasong kanyang kinakaharap sa Saudi Arabia.
Ang AKO OFW kasama si OFW advocate na si Idol Coco Naik ay labis din nagpasalamat sa malaking organisasyon ng KAKAMPI ng OFW sa pamumuno ni Fe Nicodemus; ang CIS Media Philippines Kamao Sa Radyo mula sa Netherlands sa pamumuno ni Founder Bhong David sa kanilang mensahe ng pagtulong sa panawagan ni Tatay Pepito.
