AKSYON AGAD!

PUNA Ni JOEL AMONGO

HINDI na nagpatumpik-tumpik pa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., (PBBM) agad silang kumilos para alamin ang sitwasyon ng mga pinakaapektadong lugar na niyanig ng lindol nitong nakaraang mga araw.

Sa araw rin mismo na ‘yan kung kailan naganap ang lindol, makalipas ng ilang minuto ay agad na lumipad si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Rulfo sa lalawigan ng Abra para alamin ang mga naapektuhang pamilya.

Kinabukasan ay si PBBM naman ang nagtungo sa Abra kasama ng ilang mga miyembro ng kanyang gabinete para masigurong mabibigyan ng tulong kung ano ang mga pangangailangan ng mga tina­maan ng lindol.

Pinatawag agad ni PBBM ang mga opisyal ng lalawigan kabilang na ang gobernador na si Dominic Valera.

Pinasiguro ni PBBM na agad maibalik ang kuryente, komunikasyon at ang pinakamahalaga ay ang pagkain ng mga pamilyang tinamaan ng lindol.

Pinakamatinding tinamaan ng lindol ay ang lalawigan ng Abra, kung kaya’t ang mga opisyal ng lalawigan ang agad na pinulong ni PBBM.

Agad na inalam ni PBBM ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng lindol para mabigyan ng ayuda na magmumula sa tanggapan ni Sec. Tulfo.

Pinatitiyak naman ni PBBM na bago pabalikin sa kani-kanilang mga bahay ang mga residente sa lugar ay mainspeksyon muna ng mga engineer ang kanilang mga bahay para malaman kung ligtas ba itong muling tirahan.

Dahil sa patuloy na aftershocks, ayaw ni PBBM na may masaktan na mga residente sa kanilang mga bahay na posibleng gumuho.

Ayon kay Renato Solidum ng Philippine Institute of ­Volcanology and Seismology, pitong araw matapos ang lindol ang itatagal pa ng aftershocks.

Matatandaang niyanig ng lindol na 7.0 magnitude ang lalawigan ng Abra dakong alas-8:43 ng umaga noong Hulyo 27, 2022 kasama na ang Ilocos Sur at iba pang lugar sa Norte.

Naramdaman din ito sa Metro Manila at naapektuhan din nito ang Japan, Taiwan at China.

Tama po ang ginawang hakbang ng Marcos administration na agad gumawa ng aksyon para maramdaman ng mga Pilipino na tunay ngang may malasakit si PBBM.

Ika nga ng iba, hindi lang ngawa, kundi gawa!

Nakikiramay po ang PUNA sa mga kababayan nating nawalan ng kamag-anak sa katatapos na lindol sa nabanggit na mga lugar.

Sama-sama tayong babangon muli!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, maaaring mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

150

Related posts

Leave a Comment