SUPORTADO ng Malakanyang ang naging hakbang ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na pagsumitihin muna ng physical evidence ang Makati City Police hinggil sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, sa 30 taon niyang pagpa-practice bilang isang private prosecutor, mas makabubuti talagang may physical evidence na kalakip sa paghahain ng reklamo.
“In my 30 years of practice, as a private prosecutor, mas mabuti po kasi talaga itong mga physical evidence, dahil hindi po iyon nagsisinungaling, hindi masusuhulan, hindi matatakot. So, I can only agree with the decision of the fiscal na kinakailangang isumite ang physical evidence nang sa ganoon kapag naisampa ang kaso, hindi po iyan madi-dismiss for lack of evidence,” lahad ni Sec. Roque.
Ani Sec. Roque, kabilang dito ang DNA at iba pang mga physical test upang masigurong hindi mauuwi sa dismissal ang isang complaint kapag naisampa na ang kaso dahil sa lack of evidence.
Sinabi pa ni Sec. Roque, ang hakbang ni Prosecutor Malcontento ay pagtiyak lang na kapag naisampa ang kaso sa mga inaakusahan ay matiyak ang liability ng mga ito o ang tinatawag na guilt beyond reasonable doubt. (CHRISTIAN DALE)
