APAT na beses makaraang makakuha ng prangkisa sa PBA ang Meralco, nakalusot na naman ang Bolts sa semifinal round ng Philippine Cup bubble sa pag-asang makapasok muli sa finals ng kauna-unahang liga propesyonal sa bansa.
Lahat nang naiulat ng PBA sa kanilang coverage ay alam na ng marami, na ang mga bata ni Coach Norman Black ay natalong finalist sa Barangay Ginebra nang tatlong beses sa Governors’ Cup.
Lumalabas tuloy na ang Meralco ay bagito lamang o yung tinatawag sa Ingles na “Johnny Come Lately” sa big time Philippine basketball scene.
Hindi totoo ‘yan!
Sa kasaysayan ng basketbol dito sa bansa, makikitang ang Meralco Athletic Club ay siyang pinakamatandang grupong nakatulong sa paglago ‘di lamang ng basketbol kundi pati ng iba pang sports mula pa noong unang dumating dito ang mga Amerikano noong 1900s.
Katunayan sa basketbol, ang noon ay kilala sa palayaw na ‘Reddy Kilowatts’ ay siyang tinanghal na pambasang kampeon noong 1932.
Maaaring ang Meralco ay wala pa noong unang nilaro dito sa bansa ang basketbol noong 1911, kung kailan mga babae lamang ang kalahok sa pagdiriwang ng Manila Carnival Athletic Meet. Kung kaya ang laro ay tinawag na “sissy’s game.”
Pagkaraan noon ang Meralco Athletic Club ay naging aktibo sa mga kaganapan sa Philippine sports, hanggang sa panahong ito ay binuksan na sa mga lalake.
Naging miyembro ang Meralco Athletic Club (MICAA) noong 1968 at noong 1971, ang Reddy Kilowatts ni coach Lauro “The Fox” Mumar ay tinalo ang maalamat na Crispa Redmanizers na hawak ni Coach Baby Dalupan, 65-58, sa playoffs. Ang ibang koponang kalahok noon ay ang Mariwasa, Yco, San Miguel at Yutivo.
Nangunguna sa Meralco noon ang mga manlalarong galing sa Ysmael Steel Admirals – Alberto “Big Boy” Reynoso, Alfonso “Boy” Marquez, Jimmy Mariano at Orlando Bauzo, na pinalakas pa nina Robert Jaworswki, Ramon Lucindo, Fort Acuña, Francis Arnaiz, Bobby Salonga, Arthur Herrera, Larry Mumar at artistang si Jumbo Salvador.
Ang pagkamatay ng YCO-Ysmael Steel rivalry bunsod sa paglansag ng Admirals noong 1968, ang nagbukas ng pinto sa Reddy Kilowatts – Redmanizers rivalry noong simula ng 1970.
Ang mapait na rivalry ay naging mainitan noong 1971 MICAA All-Filipino championship, nang sina Reynoso at Jaworski ay suntukin ang mga repering sina Eriberto “Ting” Cruz at Jose “Joe” Obias sa pag-aakalang pumabor ang kanilang tawag sa Crispa.
Nakatanggap ang dalawang manlalaro ng habambuhay na suspensiyon. Napatawad lamang sila noong 1973 sa pakikialam ni Pangulong Ferdinand Marcos, kaya sila nakalaro sa Asian Basketball Confederation Championship, na pinanalunan ng Pilipinas.
Nagtuloy-tuloy sa paglalaro sina Reynoso, Jaworski, Bauzon, Acuña at Arnaiz sa PBA noong 1975 dala ang bandera ng Toyota, na siyang nagpatuloy sa rivalry ng Redmanizers at Comets sa pro-league.
Samantala, noong 2010 ay nabili ng Meralco ang prangkisa ng Sta. Lucia Realty at kasabay nito ay nabinyagang muli ang dating Reddy Kilowatts bilang Bolts.
Si Jaworski? Eh, di naging playing coach ng Ginebra na naging dahilan para tuwing maglalaro ang Gin Kings, lalo sa Finals, ay lagi siyang nanonood.
At sabi nga ng mga Kano, “the rest is history!”
185
