Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-17 Bahagi) David Diaz at Ricky Hatton, magkasunod na biktima ni Pacquiao sa pang-6 na korona

Ni EDDIE ALINEA

BAGO pa man maganap ang trilohiya sa pagitan ng ­dakilang mandirigma sa ibabaw ng ring na si Manny Pacquiao at Mehikanong si Erik Morales ay ligtas nang nasa bulsa ng Pilipino ang apat sa walong dibisyong titulo na nakatadhana sa kanya – flyweight, super-bantamweight, featherweight at ­super-featherweight.

Apat na lamang – lightweight, junior-welterweight, welterweight at junior-middleweight – ang kailangang makamit ng ngayon ay senador nang si Manny para makumpleto ang kanyang target sa buhay bilang boksingero.

Bagama’t madali niyang nabingwit ang korona sa lightweight nang patulugin niya ang isa pang Latinong biktima na si Davide Diaz noong Hunyo 28, 1908, hindi ganoon kabilis ang landas na tinahak niya para ­pagharian din ang huling apat na division titles.

Siyam na round lamang, sa nakatakdang 12-round, ang itinagal bago nahimbing si Diaz sa Mandalay Bay sa Las Vegas. Si Diaz ay isang Olympian na kumatawan sa U.S. sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng makabagong Olimpiyada na idinaos sa Atlanta, lugar kung saan ang ating si Mansueto “Onyok” Velasco ay nakapagdala ng ikawalang medalyang pilak para sa Pilipinas.

Muli ay agad iniwan ni Pacman ang 136 librang dibisyon na hindi niya nakuhang ipagtanggol, para umakyat pa ng isang ranggo sa welterweight at harapin ang Mehikano-Amerikanong Olympic gold medalist na si Oscar De La Hoya.

Binugbog ni Manny si DLH, dalawang beses na may hawak ng sinturon ng super welterweight, sa MGM Grand Arena noong Disyembre 8, 1908 sa kanyang pangatlong laban noong taong iyon. Kabilang ang split decision win niya kay Juan Manuel Marquez sa kanilang pangalawang pagtutuos noong Marso 15.

Bangas ang mukha , sarado ang mga mata at nananakit ang buong katawan ni DLH matapos ang walong round na bugbugan nang pahintuin ang laban habang si Oscar ay nanatiling nakaupo sa kanyang bangko, at naging dahilan para ­ipahayag niya ang kanyang agarang ­pagreretiro sa boksing.

Bumalik pa si Pambansang Kamao sa junior-welterweight matapos supilin si Oscar at noong Mayo 2, ng sumunod na taon ay pinatulog niya si ­Richard “Ricky” Hatton sa loob lamang ng dalawang round para tanghaling hari ng ­140-librang timbang.

“Six down, two to go,” wika ng isang sawikain sa sports. Ang mga nakatayo na lamang para makumpleto ang misyon ni Manny ay sina Miguel Cotto (welterweight), at Antonio Margarito (junior-middleweight). (Abangan ang Karugtong)

208

Related posts

Leave a Comment