Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-35 Bahagi) Yamang iiwan ni Manny sa world boxing

Ni EDDIE ALINEA

MAY kasabihan na walang tatalo sa ‘panahon ng ama’ (father time). Maari nga. Pero ang Pilipinong alamat sa boksing na si Manny Pacquiao ay napagtagumpayang patigilin ang mundo, kahit sandali lang, sa maraming pagkakataon.

Huling napahinto ng ngayon ay 42 taong gulang na si Pacquiao ang pag-inog ng daigdig noong Hulyo 20, 2019, nang gapiin niya ang wala pang talong Amerikanong si Keith Thurman sa pamamagitan ng ‘di nagkakaisang hatol para hubaran ng korona ang huli bilang super WBA champion.

Ang 12-round na labang ginanap sa MGM Grand ang pang-12 na ng maalamat na Pilipino sa dibisyon ng welterweight at pang-61 na laban sa 24 taong boxing career niya tampok ang 39 KO o TKO.

Ang paghaharap sa pagitan ng idolo ng Pilipinas at ni Thurman ay itinuring na pinakamalaking boxing event nang taong iyon.

Ang pagwawagi ng ngayon ay senador nang si Pacquiao ay pinagkaisang 147 librang dibisyon. Bago ang sagupaan, siya ang kinikilalang interim champion, karangalang nakuha niya nang kanyang patulugin si Argentine Lucas Matthysse noong 2018.

Nadepensahan ng Pambansang Kamao ang titulo laban sa Amerikano ring si Adrien Broner (unanimous decision). At sumunod ay kontra kay Thurman, na hawak ang korona mula 2015, kung kailan ay nakuha niya ang sinturon kay Danny Garcia na nagbigay sa kanya ng titulong “best welterweight in the world.”

Ang panalo ni Pacquiao, ama ng limang supling kay dating Sarangani Vice Gov. Jinkee, ang nagbukas ng pagkakataon para muli siyang mapabilang sa grupo ng mga tinatawag na “elite fighter” sa dibisyon. Bagama’t pansamantalang naunsiyami sa pagdating ng COVID-19 pandemic ang plano niyang makuha ang kampeonato sa WBA, WBO,WBC, at IBF.

Ngunit ang pagbabalik na muli ni Pacquiao sa ranggo ng pound-for-pound ay nagpatahimik sa mga nagdududa sa kanyang kakayahan mula sa tatlong kontrobersyal na talo niya kina Timothy Bradley, Floyd Mayweather Jr. at Australyanong si Jeff Horn.

Nagbigay rin ito ng karag-dagang kredibilidad sa kanyang pagiging elite fighter, at makaharap muli ang kanyang pinakamahigpit na kaaway na si Mayweather para sa isa na namang mayamang laban.

Kung mabigo, wala nang paraan para humanap ng labang magbibigay sa kanya ng isang maluwalhating pamamaalam sa sport na pinakamalapit sa kanyang puso, at 25 taong naghandog ‘di lamang sa kanya kundi sa mga Pilipino ng ‘di mapapantayang karangalan bilang kaisa-isang nilalang sa balat ng lupa na nagkamit ng 12 pandaigdig na korona sa walong dibisyon.

320

Related posts

Leave a Comment