SINO ba ang hepe ng intelligence unit ng Northern Police District (NPD)?
Naitanong ko ito dahil tila walang impormasyong nakararating kay NPD Director Jose Hidalgo Jr. hinggil sa iba’t ibang klaseng iligal na sugal sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava).
Isa pa, hindi ko kilala.
Ang Lungsod ng Caloocan daw ang pinakanotoryus ngayon sa larangan ng iligal na sugal.
Pokaragat na ‘yan!
Ang batayan ng pagi-ging notoryus ay ang biglang pagpasok ng gambling lord na si alyas “Renel” makaraang ipinuwesto si Brigadier General Hidalgo sa NPD.
Peryud!
Ang balita ko, itinalaga ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar si Hidalgo sa NPD dahil siya ang “tamang opisyal” na makatutulong sa pag-lilinis ng pambansang pulisya.
Inaasahan din ni Elea-zar si Hidalgo na sugpuin ang kriminalidad at – siyempre – ang iligalidad tulad ng jueteng.
Ngayon, pasok na pasok si alyas Renel sa Caloocan.
Dati, isang linggo lang ang itinagal ng kanyang jueteng dahil ipinag-utos daw ni Natonal Capital Region Police Office (NCRPO) Director Vicente Danao Jr. na lansagin ang jueteng operation ni alyas Renel.
Simula nang makabalik si alyas Renel, todo – todong namamayagpag ang kanyang jueteng operation.
Ang gamit sa jueteng ni alyas Renel ay ang “Peryahan ng Bayan” ng Philippine Charity Sweestakes Office (PCSO).
Pokaragat na ‘yan!
Ang numerong tatamaan dito kung hindi ako nagkakamali ay kumbinasyon ng 36 na mga numero.
Pero, sa Peryahan ng Bayan na ginagamit sa iligal na sugal na jueteng ay hanggang 40 ang kumbinasyon ng mga numerong dapat tayaan ng mga mananaya upang tumama.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi ko alam kung mayroong nananalo sa mga tumataya sa ‘madayang’ jueteng ni alyas Renel.
Ang alam ko, kailangang makapag-ipon ng maraming pera si alyas Renel dahil kailangan niyang makapagbalik ng perang ipinangpuhunan niya sa jueteng at sa bookies ng “EZ2” at “lotteng” na galing kay alyas “Reyna”, o higit na kilala sa alyas “Tita” sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
At siyempre, iyong mga dapat makarating sa mga kinauukulan sa NCRPO hanggang sa NPD hanggang sa pulisya ng Caloocan mismo.
Kaso, hindi ko kilala kung sinu – sino ang eksaktong mga taong kinauukulan sa iba’t ibang yunit ng PNP.
Napakahalaga at napakalaki ng papel ng intelligence unit ng kahit anong yunit ng PNP, kabilang na ang NPD at pulisya sa Caloocan.
Trabaho, tungkulin at obligasyon ng intel na bigyan ng impormasyon si NPD Director Hidalgo upang makapagpasya ito ng kanyang ipagagawa sa kanyang mga pulis sa NPD at sa Camanava.
Mayroong nagparating sa akin ng impormasyon na masyadong mataas ang antas ng pagyayabang ni Renel ngayon dahil hindi raw basta – basta mawawala ang kanyang jueteng EZ2 at lotteng sa Caloocan.
Kaya, mahirap daw pigilan ang napakalawak na kaligayahang nararamdaman ni alyas Renel.
Pokaragat na ‘yan!
Wala raw pakialam ngayon ang naturang Renel kahit magsumbong ang kanyang mga kalaban sa ilegal na sugal kina Brig. Gen. Hidalgo at Major Gen. Danao hinggil sa kakaibang “istatus” ng nasabing gambling lord.
Intindido ko ang kaligahayan ng nasabing Renel dahil kahit mayroon nang bookies ng EZ2 at lotteng sina alyas “Boyong” at alyas “Tisay” ay pinayagan pa siyang magbukas ng kanyang bookies ng EZ2 at bookies ng lotteng.
Pokaragat na ‘yan!
191 