KAILANGANG lumabas ang katotohanan kung may anomalya sa itinayong world-class sports facilities ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ito ang sinabi ni Senador Christopher Bong Go kaugnay ng isinusulong na imbestigasyon ng Senado sa nasabing usapin.
Ipinasa na sa Senate Blue Ribbon ang privilege speech para maimbestigahan ang alegasyon ng iregularidad sa itinayong New Clark City sports sa Tarlac na ginamit sa nakaraang 2019 SEA Games.
“Para sa akin, kailangang lumabas ang katotohanan. At katulad ng mga sinabi ko noon, ni piso mula sa kaban ng bayan ay hindi dapat manakaw o masayang. Kaya kung may mga alegasyon ng anomalya sa anomang mga proyekto ng gobyerno, dapat sagutin at hindi palampasin ito,” sabi ni Go.
Naniniwala naman ang mambabatas na malinis ang konsensya ng mga opisyales ng BCDA kung kaya’t dapat sagutin ng mga ito ang mga paratang.
“Bilang chair ng Senate Committee on Sports at isa sa mga pangunahing nagsulong na maitatag ang National Academy of Sports, hindi rin ako papayag na maging white elephant ang mga pasilidad na ito. Naniniwala akong hindi ito magiging “for one-time use” lang dahil itinayo ito para mapakinabangan ng bawat Pilipino lalo na ng mga susunod na henerasyon na nais nating bigyan ng oportunidad na magtagumpay sa larangan nila,” paliwanag pa ng senador. (NOEL ABUEL)
140 