MASUSING pinag-aaralan ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang posibilidad na ibaba ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1, itinuturing na “least strict risk classification” na mayroon ang bansa sa pagtugon sa coronavirus (COVID-19) pandemic.
Ang pahayag na ito ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles ay kasunod sa panawagan sa IATF na gumawa ng paunang hakbang para makawala na ang Pilipinas mula sa pandemic mindset.
Sa isang panayam, sinabi ni Nograles na titingnan nila sa susunod na linggo ang numero sa Kalakhang Maynila at para makita kung ang rehiyon na kasalukuyang nasa Alert Level 2, ay maaari na sa “less strict restrictions.”
“Tignan natin. By February 12 or 13, we’ll be taking a look again at the numbers of NCR kung pwede na siya mag-Alert Level 1,” ayon kay Nograles.
“The protocols natin sa IATF, we do not deescalate until every 15 days. Titignan natin by February 16 kung pwede na ba mag-Alert Level 1 ang NCR,” anito.
Aniya pa, tiningnan na ng IATF ang posibilidad na ito noon pang Disyembre dahil sobrang mababa ang COVID-19 subalit naunsiyami dahil naging balakid at sinira ng nakahahawang Omicron variant ang planong ito ng task force.
Tinukoy ni Nograles na pamantayan bago ilagay ang anomang lugar sa ilalim ng Alert Level 1: “A total bed utilization of less than 49 percent; A zero or decreasing two-week growth rate; An average daily attack rate of below one”.
Bukod dito, ang vaccination rate para sa A2 (senior citizens) at A3 (persons with comorbidities) groups ay kailangan na 70%.
Ang mga establisimyento ay dapat na mayroong Safety Seal certification o tiyakin na ang minimum public health standards ay masusunod.
Sa ilalim ng Alert Level 1, wala nang paghihigpit sa indoor at outdoor capacities.
“Halos back to new normal na tayo but very clearly na nandiyan po yung minimum public health standards,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
209
