ALIPIN PA RIN ANG PINAS NG ISIPANG KOLONYAL

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

(Quote o Sipi: “If you talk to a man in a language he understands, that goes to his head. If you talk to him in his language, that goes to his heart.” – Nelson Mandela)

_______________________________________

Uulitin ko dear readers, hindi po natin iminumungkahi na magpakita tayo ng tapang laban sa China na hindi naman natin kayang mapanindigan.

Pero kailangan natin na magpakita tayo ng malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato ng pagkakaibigang ibinibigay natin sa bansang Tsina.

Kailangan marahil na magpakita tayo ng isang matinding golpe de gulat gaya ng pagtataas ng boses kontra China.

‘Wag nating ipakita na wala tayong buto at gulugod at bayag kontra China, period!

***

May mga opisyal ng bayan na tsinelas ang suot nang pumasok sa gobyerno, at makaraan lamang ng ilang taon, imported shoes, makikislap na alahas at hindi na sila amoy pawis hindi umaalingasaw sila sa mamahaling pabango.

Bakit nagpapatayan ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matatalik na magkakaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaan?

Maliwanag ang katotohanan: Negosyo at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila sa kunwari ay paglilingkod sa gobyerno.

Ngunit ang nakapagtataka’y iilan lamang ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.

Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at pagsasamantala sa salapi ng bayan?

***

Ilang ulit ko na pong tinalakay ito: Ano nga ba ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?

Wala tayong pagkakaisa, pulos pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing, nandiyan na ‘yan at hindi na maaari pang mawala.

Magagawa natin na tuldukan ang katiwalian sa pamahalaan kung ang mga kawani at opisyales na matitino at matatapat ay ating tutulungan.

Sa paanong paraan, sumunod tayo sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.

Matututo tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa pagbabago.

***

Bakit nga ba mas gusto ng Pinoy ang ‘branded o stateside products’ kaysa gawang atin?

Bunga ng kaisipang kolonyal, maraming produkto natin ang pinatay ng importasyon na mas mura kaysa gawang atin.

Pinatay ng stateside products at ng importasyon ang mga matitibay na gawang sapatos sa Marikina; hinagod sa hirap ang magsasaka na mura ang bili ng palay, mura ang bili ng traders sa mga alagaing manok, baboy at iba pang negosyong atin.

Kahit ano’ng yabang at pagmamalaki ng operasyon laban sa ismagling, umaapaw ang mga tindahan sa puslit na kargamento.

Kahit nais bumili ng produktong appliances na gawang Filipino, wala namang mabibili; may gawang atin, pero pinekeng brand ng mamahaling damit, sapatos, at iba pa, marupok at mahina rin at madaling masira tulad ng gawang China.

Wala tayong sariling gawa na mga gamit elektroniko tulad ng cellphone, laptop at iba pang gadgets: lahat ay pawang gawa sa ibang bansa, kung meron na gawang Pinoy e ‘di nagtatagal at madaling masira.

Kahit saan ka lumingon, produktong dayuhan ang makikita natin; kahit sa pagkaing lokal, natatalo na rin ng mga pagkaing dayuhan na mas kinasasabikang tikman ng ating dila.

Matagal na tayong malaya, pero alipin pa rin tayo ng isipang kolonyal.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

88

Related posts

Leave a Comment