MAGKATUWANG ang Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) at ang Serve the People Health and Wellness (STP-HW) Volunteers sa pagtatayo ng bagong klinika na naglalaan ng alternatibong gamutan.
Ang bagong klinika ay matatagpuan sa 56 Mother Ignacia Avenue, Diliman, Quezon City, sa ikalawang palapag ng PRRM building (sa pagitan ng Scout De Guia Street at Scout Dr. Lazcano Street).
Ang serbisyong medikal ay bukas tuwing Martes mula 10:00 am hanggang 5:00 pm. para sa masang mahihirap.
Sa idinaos na soft launch ng klinika kamakalawa ay may 35 na mga pasyente at mga bisita ang nagpakonsulta. Kagyat na ginampanan ng pitong STP Health and Wellness Volunteers ang paglapat ng kaukulang lunas gaya ng acupuncture, massage therapy at cupping therapy sa bawat pasyente.
Sinabi ni Agapito Gaddi, pangkalahatang coordinator ng STP-HW, “Kami ay lubos na nagagalak sa positibong tugon mula sa komunidad. Pagsisikapan namin na palawigin ang alternatibong pangangalagang pangkalusugan para sa kapakanan ng masang mamamayan, aniya pa.
Ginunita ni Gaddi ang pagsisimula nila ng alternatibong programa sa serbisyong medikal noong 2006. Tumulong sila sa healthcare service para sa residenteng pamilya ng San Roque neighborhood ng Quezon City.
Sinabi pa ni Gaddi na ang STP Health and Wellness Volunteers ay pinaiiral nila ang isang modelong nakabatay sa donasyon, na inuuna ang mga pangangailangan ng mga marginalized na komunidad. Isa rin sa pangunahing layunin ng grupo sa paglikha ng alternatibong gamutan ay makatulong sa mga beteranong aktibista na sumalungat sa diktadura noong unang bahagi ng 1970s. Sinabi pa ni Gaddi na sila ay mga senior citizen na at nangangailangan ng medikal na atensyon.
Ipinaabot din ng grupo ang kanilang taos-pusong pasasalamat kina Edicio dela Torre, ang pangulo ng PRRM, at Erin Tañada, ang tagapangulo ng PRRM, sa pagsasama ng STP Health and Wellness Volunteers sa programang pangkalusugan ng PRRM.
“Sa pamamagitan ng kanilang mabuting suporta at pakikipagtulungan, maaari naming mapaigting ang pagsasanay at pagsulong ng alternatibong gamutan,” saad ni Gaddi.
