CAVITE – Sinampahan ng kasong murder ang live-in partners makaraan matuklasan ang bangkay ng isang ginang na ina ng isa sa kanila, sa septic tank makaraan ang apat na taon, sa Dasmariñas City sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina Jhoana Marie Sayos, 22, at Ronald James Rubi, 26, pangunahing suspek sa pagpatay kay Maria Evelyn Sayos, ng Phase 1, Villa Luisa Subdivision, Brgy. San Agustin 3 ng lungsod na ito.
Napag-alaman, natuklasan ni John Levy Sayos, isa pang anak ng biktima at kapatid ni Jhoana Marie, ang bangkay ng kanilang ina sa loob ng septic tank dakong alas-2:00 ng hapon noong Miyerkoles nang ipagawa ang kanilang bahay.
Ang bangkay ng biktima ay nakabalot sa sako kasama ang mga identification card (ID) nito.
Inamin naman ng dalawa ang ginawang karumal-dumal na krimen
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, taong 2016 nang nawala si Evelyn ngunit kapag tinatanong umano ng iba pang mga anak ng biktima, ang alibi ni Jhoana Marie ay nagtungo ito sa Singapore dahil nagkatampuhan silang dalawa.
Ang mga suspek at biktima ay magkakasama sa isang bahay.
Hindi naman umano nagduda ng iba pa nilang mga kapatid dahil sa tuwing ite-text nila ang kanilang ina ay sumasagot naman umano ito.
Ngunit ayon sa imbestigasyon, si Jhoana Marie ang sumasagot sa text ng mga kapatid.
Taong 2018 nang i-report sa pulisya na nawawala ang biktima.
Ayon kay P/Lt. Col. Richard Ang, hepe ng Dasmariñas CPS, pinalo ni Rubi ng martilyo ang biktima at nang nakitang buhay pa ay pinakuha nito ng patalim si Jhoana Marie upang tuluyang patayin ang ginang saka inilibing sa hindi pa tapos na septic tank sa tabi ng
kanilang bahay saka sinemento ito.
Nabatid pa na sa tuwing nagangamoy ang bangkay ng biktima ay tinatapalan umano ng lalaki ng panibagong semento ang septic tank.
Ayon pa sa imbestigasyon, may matindi umanong galit sa biktima si Rubi at pinagplanuhan ang krimen. (SIGFRED ADSUARA)
