11-ANYOS, 2 PA NAGPOSITIBO SA COVID SA DAVAO DEL SUR

DIGOS City – Inanunsyo ng mga opisyal ng pangkalusugan nitong lungsod na dalawang babaeng frontliners ang nadagdag sa kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) noong Huwebes, Hulyo 23.

Ayon kay Dr. Ronald Jumilla, City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) chief ng City Health Office (CHO), ang dalawang pasyente ay may gulang na 31 at 32, kapwa frontliner sa laban sa COVID-19. Isa sa kanila ay medical technologist na nakadestino sa Davao del Sur
Provincial Hospital (DSPH) testing center (swabbing unit) at naka-rotation basis.

Ani ni Jumilla, ang pangalawang pasyente ay isang nurse na in-charge sa specimen transport at pag-transport ng nasopharyngeal at oropharyngeal swab samples mula sa DSPH at rural health units sa Davao del Sur.

Ngunit nilinaw ng opisyal na pawang asymptomatic ang dalawang pasyente at nasa loob na ng DSPH COVID-19 isolation unit.

Kasabay nito, nagsagawa na ng close contact tracing ang CHO para sa mga nakalapit sa pasyente at nakatakdang isalilalim sila sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing kung sakaling nakalapit sa mga biktima.

Sa huling datos ng CHO nitong Huwebes, umakyat na sa 17 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, labindalawa naman ang nakarekober ngunit nasa lima ang aktibong kaso.

Iniulat din ng CHO na may 28 na suspetsadong kaso ang kanilang hinihintay ang resulta ng RT-PCR test mula sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) molecular laboratory sa Davao City.

Samantala, nasa 47 indibidwal ang isinailalim sa strict home quarantine, at 32 ang nasa city isolation center sa Barangay Igpit ng lungsod.

Habang sa kalapit na bayan ng Bansalan, Davao del Sur, inanunsyo din ng Municipal Health Office (MHO) na isang 11-anyos na babae ang nakumpirmang nagpositibo sa COVID-19.

Ang bata ay kasamang bumiyahe ng mga magulang at lima pang Locally Stranded Individuals (LSIs) mula sa Metro Manila sa ilalim ng Balik Probinsya Program noong Hulyo 6.

Lumabas na positibo ang pasyente sa ikasampung araw ng pananatili nito sa loob ng isolation facility sa Barangay Poblacion Uno, kaya inilipat na sa Municipal Isolation Unit, kasama ang iba pang nakasabay nito sa pag-uwi.

Nilinaw naman ng MHO na asymptomatic ang pasyente at nasa mabuting kalagayan na. (DONDON DINOY)

201

Related posts

Leave a Comment