KUNG nabubuhay pa ang tinaguriang “Da King” ng pelikulang Filipino na si Fernando Poe Jr. o FPJ ay pihadong mangunguna siya sa pagtulong hindi lamang sa mga manggagawa sa industriya ng pelikulang Filipino kundi sa lahat ng mga Filipino mula Luzon hanggang Mindanao.
Ngunit, kahit matagal nang pumanaw si FPJ, nananatili ang kanyang alaala kahit ngayong nahaharap ang bansa sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sapagkat patuloy na kumikilos ang kanyang anak na si Senadora Grace Poe.
Namamahagi si Senadora Poe, katuwang ang Fernando Poe Jr. for President Movement (FPJPM), ng saku-sakong bigas sa bayan ng Pakil, Laguna at COVID-19 test kits sa mga barangay sa Lungsod ng Maynila.
Sa pagkilos na ito, gabay ni Poe ang paninindigang “walang Filipinong maiiwan. Tuloy lang ang bayanihan!”
Kahit sa Mindanao ay nagbigay din ng ayuda ang senadora sa mga lubos na nangangailangan sa tulad ng ginawa niya sa Lungsod ng Zamboanga.
Nabatid ko na noong nagsisimula pa lamang ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon ay nagsimula nang tumulong ang senadora sa mga ospital, checkpoint at iba pa.
Nitong araw ng ‘Pasko ng Pagkabuhay,’ tuluy-tuloy pa ring nagplano ang Team Grace Poe tungkol sa mga pamayanan ng mga mahihirap na mga Filipino upang sila ay mabigyan ng ayuda.
“Sa ating pagbabayanihan, sama-sama nating malampasan ang pagsubok na ito,” pahayag ng senadora.
“Hindi matutumbasan ang inyong serbisyo sa ating bayan. Asahan ninyo ang tulong at panalangin ng ating mga kababayan upang sabay-sabay nating matalo ang #COVID19. Maraming salamat po sa inyo!,” wika ni Poe makaraang makapagbigay ng test kits sa 60 checkpoints sa Metro Manila.
Naniniwala si Poe na ang pagkakaisa ng bawat Filipino ang nagbibigay sa atin ng lakas upang labanan ang COVID-19.
Kaya, ipinarating niya ang kanyang labis-labis na pasasalamat sa lahat ng tumulong at nakiisa upang maging posible ang lahat nang kanyang pagkilos sa ngalan ng kanyang ama na bantog din sa tawag na “Panday”.
“Maraming salamat sa mga taong naging daan upang makapagbigay tayo ng 1000 FDA-approved rapid test kits sa iba’t ibang Barangay Health Centers sa Metro Manila. Isa itong hakbang tungo sa mabilis na pagtukoy ng mga may COVID-19 sa isang lokalidad upang mapabilis ang contact tracing at maiwasan ang paglaganap pa ng sakit,” aniya.
Sa diwa ng bayanihan, naging katuwang din ni Senadora Poe ang kabataan, kaya napabilis at nasiayos ang pagbubuo ng kits na may konsiderasyon sa social distancing na ipinapatupad ng pamahalaan.
“Sa ating sariling paraan, kung may pagbabayanihan, sama-sama nating malalagpasan ang krisis na ito.
Salamat volunteers mula sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila na tumulong sa pagre-repack ng mga PPE at relief goods na ipapamigay sa mga checkpoint at frontline workers,” pahayag ni Poe.
Ang ginawa ng anak ng Panday na pakikiisa sa pagsugpo sa paglaganap ng COVID-19 sa bansa ay napakalinaw na ebidensiyang magsasabing kumikilos ang isang Senadora Grace Poe. NELSON BADILLA
191 